RRQ Hoshi ang unang koponan na makakaselyo ng spot sa MPL ID S9 Grand Finals pagkatapos itumba ang defending champions ONIC Esports, 3-2 sa kanilang upper bracket finals showdown.

Credit: ONE Esports

Bagamat pasabog ang inilabas na drafting at atake ng ONIC ay hindi nagpasindak ang Kings of Kings na ipinaghiganti ang kanilang Season 8 pagkabigo, partikular na sa Game 5 kung saan ipinakita ng RRQ ang kanilang tunay na bangis para tuldukan ang kampanya ng karibal na team sa upper bracket.


RRQ Hoshi pinugo ang ONIC Esports sa Game 5 para maselyo ang tiket sa MPL ID S9 Grand Finals

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Hindi nagpatumpik-tumpik ang RRQ Hoshi na maagang pinagana ang makinarya para sindihan ang 2-0 abante sa serye. Sumandal ang Kings of Kings sa malinis na teamfight sa dulo ng game 1, habang bumida naman ang Franco ni Vynnn sa Game 2 para ilagay sa bingit ng pagkalaglag ang ONIC Esports.

Gayunpaman, nagbunga ang inaasahang epekto ng Xavier picks ni Coach Mars sa magkasunod na games 3 at 4. Kumamada ang Xavier ni Drian na pumukol ng long range magic damage para ilista ang malinis na 3/0/9 KDA sa Game 3. Gayundin ang laki ng impact ng midlaner sa Game 4 sa parehong mage hero, kung saan itinanghal siyang MVP ng laro.

Pagdako naman ng Game 5, 3-tank setup ang ipinangsagot ni Coach Fiel sa Helcurt at Aldous ng ONIC. Bagamat kontrolado ng defending champs ang unang bahagi ng laro ay hindi nila napigilan ang pagarangkada ng RRQ sa midgame, partikular na sa 11th minute kung saan patuloy na lumobo ang kalamangan ng Kings of Kings.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Pugo ang early damage composition ng Yellow Hedgehogs sa kunat ng Baxia jungle, Hylos roam, at Grock EXP laner ng RRQ na binigyang daan ang dominanteng 24-7 kill score sa larong tumagal ng 21 minuto.

Dahil sa panalo, aabante ang RRQ Hoshi sa MPL ID S9 Grand Finals. Aabangan ng upper bracket winners ang mananalo sa bakbakan ng nalaglag na ONIC Esports at ng Aura Fire na nanaig sa lower bracket.

Credit: MSC

Bukod sa MPL ID S9 grand finals slot, maiseselyo din ng RRQ ang tiket sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022) ngayong Hunyo na gaganapin sa Malaysia.

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL. Subaybayan ang ONE Esports Philippines sa Facebook!

BASAHIN: MPL ID Season 9 Standings: RRQ Hoshi dinomina ang regular season