Bumawi ang RSG PH laban sa karibal na Smart Omega sa pamamagitan din ng isang 2-0 sweep sa pagsisimula ng second half ng regular season sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10).

Matatandaang winalis ng Season 9 runner-up ang defending champion sa kanilang unang MPL PH finals rematch ngayong season kaya naman gigil umano ang Raiders sa unang serye ng ikalimang linggo ng liga, ayon mismo sa kanilang jungler na si Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto.

“Nanggaling po ‘yung gigil namin noong natalo po kami sa kanila nung first match namin. Parang feel namin sa sarili namin na ‘di pa kami kumpleto. Parang may kulang pa,” wika ni Demonkite sa post-match interview. “So ayun hinanap namin ‘yun hanggang mapadpad kami dito sa Week 5 tapos naging maganda ‘yung performance namin against Omega.”

Bumida sa serye si Season 9 Most Valuable Player Dylan “Light” Catipon, na inilawan ang daan para sa kanyang koponan patungo sa matamis na pagbawi gamit ang kanyang signature heroes na Lolita at Khufra.


Light naglista ng back-to-back MVPs sa 2-0 sweep ng RSG PH kontra Smart Omega

Light ng RSG PH
Credit: MPL Philippines

Sinupalpal ng RSG PH ang tangka ng Smart Omega na magtala ng isang malaking comeback sa Game 1. Hawak ng Raiders ang mga kalaban simula pa lang ngunit napatagal ng Barangay ang laro dahil sa mga clutch plays mula kila Deomark “Mikko” Tabangay (Franco) at Duane “Kelra” Pillas (Beatrix).

Pero sa huling Lord fight, hinarangan ni Light sa kanyang Lolita si Kelra at hindi ito hinayaang makaambag ng damage sa nagaganap na team fight malapit sa pit. Nanaig ang RSG sa palitan at nakuha rin nila ang Evolved Lord upang maselyo ang 21-9 panalo matapos ang 25 minuto.

Hawak-hawak na naman ni Light ang bola sa kanyang Khufra pagsapit ng Game 2. Ilang pickoffs kay Kelra (Bruno) ang pinasimulan ng star roamer at hindi niya rin pinalaro nang maayos si Raizen (Fanny).

Sa 17th minute, inuntog ni Light sa pader ang Bruno gamit ang Tyrant’s Rage-Flicker combo at nagbigay-daan ito sa pagkuha ng RSG sa Enhanced Lord. Mula dito ay ‘di na lumingon ang Raiders at kinumpleto ang sweep sa loob ng 22 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Naka-bounce back din ang RSG PH mula sa 1-2 pagkatalo sa kamay ng Blacklist International sa huling serye ng first half ng regular season at sa ngayon ay nasa ibabaw ng standings hawak ang 15 puntos.

Nalasap naman ng Smart Omega ang kanilang ikalawang sunod na pagkatalo matapos ding matumba laban sa Bren Esports, 1-2, noong nakaraang linggo at bumaba sila ngayon sa No. 4 dala pa rin ang 13 puntos.

Sa susunod na linggo pa ulit maglalaro ang RSG kung saan makakaharap nila ang TNC habang aasamin ng OMG na makaulit sa Blacklist bukas.


Subaybayan ang mga pangyayari sa sa MPL PH Season 10 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.