Sa wakas ay nabawian ng Smart Omega ang RSG PH sa pamamagitan ng 2-0 sweep sa mainit na finals rematch na binuksan ang MPL PH Season 10, Biyernes ng gabi.

Binali ng Barangay Omega ang kanilang six-match losing streak sa kamay ng Raiders na nagsimula pa noong Season 8. Bago ang panalong ito, huling napatumba ng OMG ang RSG sa first half pa ng S8 noong ika-3 ng Setyembre, 2021.

“Sobrang prepared namin ngayon dahil sila ‘yung una naming makakalaban. Sobrang grabe ‘yung preparation namin para sa kanila,” sabi ni OMG head coach Jomie “Pakbet” Abalos, na nakalasap ng sunod-sunod na pagkatalo sa koponan ni coach Brian “Panda” Lim sa SIBOL MLBB SEA Games selection, MPL PH S9 at MSC 2022.


Kelra bumida sa 2-0 sweep ng Smart Omega kontra RSG PH sa MPL PH S10 opener

Credit: ONE Esports

Liyamado ang RSG PH sa simula ng unang laro ngunit nabaligtad ng Smart Omega ang sitwasyon pagsapit ng laban para sa ikalawang Turtle nang mahuli ni Joshua “Ch4knu” Mangilog (Grock) ang mga kalaban gamit ang Wild Charge. Nakapukol ng double kill si Duane “Kelra” Pillas (Claude) habang nakakuha ng isa si Dean “Raizen” Sumagui (Thamuz) matapos kitilin ang Turtle.

Mula dito ay umalagwa na ang Barangay Omega at nanaig sa mga sumunod na team fight sa likod ng nakakatunaw na damage mula kay Kelra, na hinirang na MVP sa first blood ng season na natapos nang may 10-3 kill score sa loob ng 12 minuto at 50 segundo.

Credit: MPL Philippines

Lamang na naman ang Raiders sa Game 2 at napipisil pa ngang dalhin ang serye sa decider subalit pumalo na ang “Omega timer” pagsapit ng 18 minuto kung saan napitas ng Beatrix ni Kelra si Dylan “Light” Catipon (Franco) upang masiguro ng Smart Omega ang Lord.

Isa-isang binura ni Kelra at kanyang tropahan ang RSG bago tuluyang isara ang comeback victory sa loob ng 19 minuto. Itinanghal ulit na MVP ang 17-year-old gold laner matapos kumana ng 7-2-6 KDA at bumitaw ng mahigit 87K damage.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sunod na haharapin nila Kelra at Smart Omega ang isa pang mabigat na kalaban na Blacklist International bukas, ika-8 ng gabi. Tatangkain naman ng RSG PH na maka-bounce back laban sa TNC sa unang serye ng Week 2.


I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para manatiling updated sa mga kaganapan sa MPL PH at Mobile Legends.