Kinumpleto ng RSG PH ang perpektong kampanya ng Pinoy teams sa ikatlong araw ng Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022 playoffs nang pulbusin nila ang Orange Esports ng Malaysia, 3-0, upang makaabante sa upper bracket finals ng torneo.

Pagkatapos walisin ng Smart Omega ang EVOS SG sa kanilang lower bracket series, naglista naman ang kasalukuyang hari ng MPL Philippines ng dalawang dominanteng panalo at isang malupit na comeback sa kanilang serye kontra sa home team.

Sigurado na ang top four finish para sa Raiders at isang series win na lang ay makakatapak na sila sa grand finals ng MSC 2022.


Malinis na winalis ng RSG PH ang OE sa kanilang upper bracket semis match

RSG PH
Credit: ONE Esports

Maagang umariba ang RSG PH sa Game 1 salamat sa Akai ni Jonard Cedrix “Demonkite” Caranto at Franco ni Dylan “Light” Catipon, na binigyan din ng malaking space si Eman “EMANN” Sangco para makapag-farm sa kanyang Beatrix.

Nagpasiklab si EMANN simula sa mid game at itinala ang 11/2/2 KDA (79% kill participation) maging ang pinakamataas na damage sa koponan na umabot sa 69K pagkatapos ng dominanteng 24-9 panalo sa loob ng 17 minuto.

Credit: MSC 2022

Isang mabagsik na comeback naman bunga ng disiplina ang ginawa ng Raiders sa Game 2. Hawak na ng Orange ang 10K gold lead at ubos na ang inhibitor turrets ng RSG PH sa 11-minute mark ngunit tila nanggigil ang Malaysians na tapusin ang laro habang nanatiling disiplinado ang mga Pinoy.

Paulit-ulit na pinarusahan ng mga bata nila coach Brian “Panda” Lim at Karl “Giee” Barrientos ang pag-aasim ng Orange sa pangunguna ng Ruby ni Light at Julian ni Demonkite na nagbigay ng matinding crowd control sa mga clash. Dahil dito, ilang team fights ang naipanalo ng RSG upang maipako ang 25-16 win matapos ang 27 minuto.

Dala ang momentum, tuluyan nang pinira-piraso ng RSG PH ang Orange sa Game 3 sa likod ng Chou ni MPL PH Season 9 MVP Light.

Tumikada si Light ng 13 assists at 1 kill (70% kill participation) kontra sa 2 deaths kasama pa ang ilang flashy initiations para maselyo ng Raiders ang 20-5 panalo sa loob ng 18 minuto.

Credit: MSC 2022

Makakasagupa ng RSG PH sa ang MPL Indonesia champion na RRQ Hoshi sa best-of-five upper bracket finals na nakatakdang ganapin sa Sabado, ika-18 ng Hunyo.

Sa kabilang banda, nalaglag naman ang Orange sa best-of-five lower bracket quarterfinals kung saan makakaharap nila ang Smart Omega bukas sa ganap na ika-6 ng gabi.


Ang kasalukuyang MSC 2022 playoffs bracket

Credit: MSC 2022

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita patungkol sa MSC 2022 at Mobile Legends.