Tagumpay ang RSG PH sa harapan nila kontra kapwa kinatawan ng Pilipinas na Echo sa ikatlong araw ng MPL Invitational 2021 (MPLI 2021) ng ONE Esports.

Tatlong maiinit na laban ang kinailangan upang malaman kung sino nga ba sa dalawang pambato ng bansa ang makaka-abante sa presitihiyosong turneo kung saan US$100,000 na prize pool ang nakataya.

RSG PH pinakalma ang bagyong hatid ng Echo

Sa unang mapa ng best-of-three, nagbunga ang desisyon ng Echo na i-funnel ang gold laner nilang si Bennyqt. Naminsala ang kanyang Karrie sa kalakhang bahagi ng laro ngunit hindi natinag ang RSG PH sa pagpapaulan nito ng mga shuriken.

Nabugaw kasi nila, sa pangunguna ng Thamuz ni Kenji at Yve ni Aqua, ang huli na sanang push ng Echo. Dahil sa matagumpay nilang pagdepensa, nabigyan sila ng pagkakataon na mabaliktad ang laban at maselyo ang unang mapa.

Thamuz ni Kenji dumepensa kontra Echo

Tila madali namang nakapag-reset mula sa pagkakatalo ang Echo dahil parehong tikas sa early game ang kanilang ipinamalas sa ikalawang mapa. Bagamat napahaba pa ng RSG PH ang laban dahil sa Ling ni Demonkite, hindi na sila pumayag na mabaliktad muli ang laban.

Kinilala bilang MVP ng mapa ang rookie na si RK3, na gumamit ng Pharsa. Nakapagtala ito ng tig-apat na kills at assists, kontra isang death, pati na rin 82,388 total hero damage.

Echo RK3 MVP bilang Pharsa

Sa ikatlo at huling mapa ng laglagan, mariing pinatunayan ni Demonkite sa entablado ng MPLI 2021 kung bakit siya ang kinilalang best rookie ng MPL Philippines Season 8. Nagpakitang-gilas ang baguhan bilang Benedetta upang maiahon sa maagang pagkakadehado ang RSG PH.

Siya rin ang pumako sa kanilang pagkakapanalo matapos maselyo ang Luminous Lord habang tumi-Triple Kill kontra Lancelot ni hadess, Lapu-Lapu ni KurtTzy, at Chou ni Rafflesia.

RSG PH Demonkite MVP bilang Benedetta

Siya rin ang kinilalang MVP ng laban matapos magtala ng limang kills at dalawang assists kontra isang death.

RSG PH haharapin ang ONIC ID sa MPLI 2021

Dahil sa panalo kontra Echo, haharapin naman ng RSG PH sa MPLI 2021 ang kampeon ng MPL Indonesia Season 8 na ONIC Esports.

Sa post-game interview, naitanong kay Demonkite kung anong tingin niya sa paparating na laban.

“I want to beat them too but first I need a stronger mentality because their gameplay is so aggressive that I need a stronger mentality to really focus on the game,” paliwanag ni Demonkite.

Inamin din ni Demonkite na inaabangan niya ang magiging harapan nila ng MPL ID S8 final MVP na si Calvin “CW” Winata.

Nakatakdang ganapin ang quarterfinals ng MPLI 2021 bukas, ika-lima ng Nobyembre. Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng turneo sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.