Sa kongklusyon ng unang edisyon ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League sa Cambodia, hindi binigo ng powerhouse team na SeeYouSoon ang mga miron.

Kapanapanabik ang inihinandog ng matikas na kupunan MPL KH Season 1, kung saan binweltahan nila ng reverse sweep ang pangahas na DG Quantum para itala ang 3-2 at iuwi ang korona.


Malinis na kampanya ng SeeYouSoon sa MPL KH Season 1 Playoffs

Hindi man lang nangatal ang SeeYouSoon sa mabibigat na pangalan na kabilang sa upper bracket. Sa katunayan, sila lamang ang nag-iisang team na walang bahid ng pagkatalo sa playoffs ng nasabing liga.

Bagamat malinis ang naging trabaho sa playoffs, matinding MPL KH Season 1 grand final ang natunghayan ng mga fans kaharap ang DG Quantum.

Back and forth ang naging tema ng bakbakan ng dalawang team na pinaglabanan ang tiyansang maging kinatawan ng Cambodia sa parating na M3 World Championship ngayong Disyembre.

Sa unang bahagi ng naturang grand final, hawak ng DG Quantum ang malaking 2-0 advantage na nagpakaba sa mga fans ng SeeYouSoon. Ngunit ang early disadvantage din na ito ang gumising sa SeeYouSoon na minaniobra ang tadhana para itabla ang serye sa 2-2.

Mainit na closer ang kinahinatnan ng huling serye na nilaro sa MPL KH Season 1. Isang miscalculated team fight ng DG Quantum walong minute sa laro ang bumalangkas ng resulta, kung saan apat sa kanilang panig ang napitas.

Agad namang itong sinamantala ng SeeYouSoon na itinulak ang bottom lane at binasag ang base ng kalaban para tanghaling unang kampyon ng unang edisyon ng liga sa Cambodia.


Ang MPL KH Season 1Champion SeeYouSoon ang kakatawan sa Cambodia sa M3

Screenshot ni Jules Elona/ONE Esports

Ayon sa kapitan ng team na si Sam “Paragon” Sophanny, malaki ang ibig sabihin ng panalong ito para sa kanila.

“This win is a huge success for our team, and we are proud to be the first-ever MPL KH champions,” ani ni Paragon. “The team will train harder to make our fans proud, and represent Cambodia on a world stage,”

Bukod sa pagiging representante ng Cambodia sa M3 World Championship, natanggap din ng kupunan ang pinakamalaking bahagi sa US$40,000 prize pool.

Pagsasalin ito sa sulat ni Jules Elona ng ONE Esports.