Kinailangan ni Johnmar “OhMyV33NUS” Villaluna at ng kaniyang SIBOL MLBB ng magilas na game two at game three para tuluyang itaboy ang pangahas na Team Singapore sa kanilang semifinals showdown sa 31st Southeast Asian Games MLBB Event.

Hindi pinayagan ng mga kinatawan ng Pilipinas na mapurnada ang kanilang inaasam na grand finals tiket. Matapos mapuruhan sa unang mapa, disiplinadong atake ang ipinamalas ng koponan sa pangunguna ng Diggie ni Villaluna sa game two, at Cecilion ni Salic “Hadji” Imam sa sudden death.


SIBOL MLBB kinumpleto ang reverse sweep kontra SGP, 2-1

Credit: SEA Games

Bagamat hinawakan ang kill at gold lead sa unang 10 minuto ng game one, bangungot ang dala ng skill layering ng Singapore kontra sa SIBOL MLBB sa ika-13 minuto. Sabog ang apat na miyembro ng Team Philippines sa nasabing team fight at iyon lang din ang kinailangan ng SGP para baliktarin ang laro at kuhanin ang 1-0 lead sa semifinals serye.

Ngayong nasa bingit na ng elimination, kinailangan ni Coach Kristoffer “BON CHAN” Ricaplaza na asahan ang signature Diggie pick ni Villaluna para ibaling ang team fights sa kanilang pabor sa game two.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Hindi naman binigo ni OhMyV33NUS ang kaniyang coach dahil muli’t-muling prinotektahan ng kaniyang Diggie ang kaniyang mga cores para makuha ang kalamangan sa objectives, partikular na sa ika-19 minuto ng laro para maipanalo ang krusyal na team fight. Nagtala ng 3/1/15 KDA ang beteranong support para tanghaling MVP of the Game.

Pagdako naman ng game three, ang MVP machine naman na si Imam ang kumamada para sa koponang binubuo ng mga miyembro ng Blacklist International. Pinatunayan ni Hadji ang tunay na bagsik ng Cecilion sa late game na tumulong buwagin ang masigasig na contest ng SGP sa larong tumagal ng 27 minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Dahil sa panalo, magkakaroon ng tiyansa ang SIBOL MLBB na madepensahan ang koronang napanalunan ng Pilipinas noong 30th SEA Games. Kakaharapin nila ang mananalo sa pagitan ng paboritong Indonesia at ng Malaysia.

Sundan ang pinakahuling balita sa MLBB sa pamamagitan ng pag-follow at pag-like sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: 31st SEA Games MLBB: Schedule, resulta, format, at saan mapapanood