Magpapatuloy ang SIBOL MLBB sa daan papunta sa inaasam na three-peat para sa bansa sa gumugulong na 32nd Southeast Asian Games (SEAG) Mobile Legends: Bang Bang Tournament. Ito ay pagkaraang maselyo ng mga Pinoy ang 2-1 record sa unang araw ng group stage para umakyat sa top two ng Group A.


SIBOL MLBB dinispatiya ang Vietnam para makapagbadya sa semis ng 32nd SEAG MLBB

Credit: Moonton

Bago gumulong ang huling laro ng groups, natagpuan ng SIBOL MLBB ang kanilang mga sarili sa alangin nang maupo sila sa third place ng Group A, hawak lamang ang one point hango sa tagumpay nila kontra Laos sa unang best-of-one ng torneo.

Sa puntong ito ay naghahabol ang mga Pinoy sa mga Malaysian na unang bumigo sa kanila sa groups, gayundin sa kalaunan ay nakaharap na team Vietnam na nasa ulo noon ng standings.

Credit: Moonton

Sa dehadong sitwasyong ito ipinakita ni Marco “SUPER MARCO” Requitano kung bakit kinatatakutan ang mga Pilipino sa larangan ng Mobile Legends. Ito ay pagkatapos niyang pumihit ng pambihirang laro sa Brody (4/1/5 KDA) para gibain ang mga Vietnamese.

Matapos kuhanin ang lampas 6k gold lead sa unang siyam na minuto ng laro, hindi na pinahinga ni SUPER MARCO at ng kaniyang SIBOL MLBB ang kanilang mga nakatunggali sa pamamagitan ng agresibo ngunit desimuladong play para isarado ang laban sa napakabilis na 13:41 game time.

Credit: Moonton

Dahil sa panalo, nasipa ng mga Pinoy ang Vietnam mula sa standing nito Group A. Bagamat may two points ang tatlong koponan sa nasabing grupo, malaking momentum ito para sa hanay na kakaharapin ang Timor Leste para sa pag-asang makatuloy sa seminfinal round.

Manatiling nakatutok sa pinakahuli sa Mobile Legends esports sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook ng ONE Esports Philippines!

BASAHIN: SIBOL MLBB Women’s team sumungkit ng medalya sa 32nd SEA Games