Matinding late game synergy at decision-making ang muling ipinamalas ng Smart Omega para puguin ang Nexplay EVOS, 2-0 sa unang araw ng Week 3 ng MPL Philippines Season 10 Regular Season.

Hindi pinayagan ng S9 runner ups na makaisa ang koponan ni Mico “Micophobia” Quitlong na hinapo nila sa magkasunod na 19 minute at 38 minute games.


Kelra, Mikko kumamada para sa Smart Omega kontra Nexplay

Bagamat naghabol sa mid game ng unang mapa, hindi pinayagan ni Deomark “Mikko” Tabangay na makumpleto ng White Tigers ang inaasam na Game 1 tagumpay.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Pinangunahan ng kaniyang tank Chou ang atake ng Smart Omega para makumpleto ang key pick offs, partikular na sa engkwentro sa ika-18 minute kung saan matagumpay niyang na-knockup ang tatlong miyembro ng NXPE para isa-isang punitin ang mga ito.

Sinundan ito ng OMG ng death push papunta sa base ng kalaban para makuha ang heartbreaker win sa susunod na minuto.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Samantala, madudulas naman na plays ng Claude ni Duane “Kelra” Pillas ang nagpahirap sa inasam na closeout ng Nexplay sa ikalawang mapa.

Bagamat mabagsik na ang Beatrix ni Mariusz “DONUT” Villamero Tan at Paquito ni John Paul “H2wo” Salonga pagdako ng mid game ay swabeng paggamit ng Battle Mirror Image (BMI) at Blazing Duet ang ipinakita ng batikang gold laner para itulak ang laro sa matarik na late game.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa mga pagkakataong ito tunay na lumabas ang kamandag ni Kelra at ng kaniyang Smart Omega team dahil pasensyo silang nakipagbakbakan sa pagkuha ng Lord objective hanggang tuluyan nilang mabaliktad ang laro sa ika-36 minuto.

Sa puntong iyon din nakuha ng koponan ang kritikal na wipeout para iderecho ang push sa base at makumpleto ang sweep. Bukod dito, inilista din ng koponan ang panalo pinakamahabang game na nalaro sa MPL PH Season 10 sa kasulukuyan.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Sa tagumpay na ito, makukuha ng Smart Omega ang kanilang ika-apat na panalo at mapapatibay ang kanilang puwesto sa rurok ng regular season standings.

I-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Nets bumida; ONIC PH kinumpleto ang upset kontra BLCK, 2-0