Bigo ang Smart Omega na makumpleto ang kanilang Cinderella Run sa MPL Philippines Season 9 matapos kapusin kontra RSG Philippines, 4-1 sa Grand Finals. Hindi man naipanalo ang serye laban sa heavy favorites, bukod-tangi ang koponan ni Jaime “Coach Pakba1ts” Abalos bilang ang kaisa-isang team na nakapagpaluhod sa RSG PH sa isang laro sa naganap na playoffs.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Malinis ang strat ng Smart Omega sa Game 2 ng nasabing grand finals showdown para itabla ang serye, 1-1. Ngunit taliwas sa inaasahan, hindi agresibong maniobra kundi disiplinadong atake ang isinalang ng OMG para ipanalo ang laro sa ika-13 minuto, at kasabay nito, pagbidahan ang lowest-scoring game sa MPL PH S9.


Passive at objective-centered ang strat ng Smart Omega sa Game 2 ng Grand Finals

Nakilala ang baranggay Omega bilang isa sa mga pinakamakamandag na koponan pagdating sa team fights lalo na sa late game dahil sa gilas ng kanilang mga miyembro sa larangan ng micro plays. Kaya hindi na rin kataka-taka na rank 2 ang koponan sa Total Kills statistics base sa datos ng MPL PH.

Ngunit sa game 2 ng Grand Finals, nilisan ng koponan ang kanilang tipikal na aggressive, kill-centered approach para bulagain ang RSG PH. Sentro ang objective-taking at pagbasag ng mga tore sa strat ng Smart Omega sa nasabing laro upang masabayan ang kalabang team na bantog sa parehong approach.


Sa panayam matapos ang serye, inamin ni Coach Pakba1ts na isa sa mga rason sa pagsabak nila sa ganitong atake ay para makipagsabayan sa RSG PH. Biro pa nga niya, “Tingin ko nung Game 2, angboring kasi kalaban ng RSG eh.”

Dagdag pa niya, “Kaya wala masyadong team fight kasi puro objectives sila eh. Kaya ginawa namen yung ginagawa nila. So nag-objectives lang kame, bumasag lang kami ng tower. Hindi sila nagcocommit eh. Hindi sila nag-cocommit na lumaban.”

Paliwanag pa ng utak ng MSC 2021 Champions, nag-aabangan daw sila ng RSG PH kung sino ang unang magkakamali. Ito rin daw ang dahilan kung bakit natapos ang Game 2 ng may 2 total kills lamang na naitala, ang lowest-scoring game sa kabuuan ng MPL Philippines Season 9.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Para pagulungin ang strat ng Smart Omega sa Game 2, isinalang ni Coach Pakba1ts ang Barats at Mathilda combination para tapatan ang pamatay na Karina at Angela tandem ng RSG PH. Karugtong nito, ninakaw din ng OMG ang Esmeralda at Beatrix na signature heroes ng numero unong team sa S9.

Dahil sa kakaibang sustain at tankiness ng OMG, hindi nagawang magdomina ng RSG PH jungler na si Jonard “Demonkita” Caranto sa early game. Sa kabilang banda, unti-unting naramdaman ng RSG PH ang pressure na dala ng sidelaners ng mga kabaranggay kung saan nakauna sila ng push sa outer turrets.


Strat ng Smart Omega kontra RSG PH papaganahin ba sa MSC 2022?

Bagamat bigo sa serye, ang isinalang na strat ng Smart Omega lamang ang nag-iisang atake na gumana sa hindi-mapigilang approach ng RSG PH. Sa tanong kung makikita ba ito sa paparating na Mobile Legends: Bang Bang Southeast Asia Cup 2022 (MSC 2022), ibinahagi ni Coach Pakba1ts na may posibilidad ito.

Credit: ONE Esports PH

“Siguro puwede rin namen i-add yun kasi parang ano siya, parang Blacklist style yung teamplay nila eh. Na nag-oobjectives lang, bumabasag ng tower. Tapos kapag nag-commit yung kalaban, lalaban kayo. Kasi lugi sa inyo,” ani ng head coach.

Paliwanag pa niya, “Pagalingan talaga mag-retri. Pag nakuha mo yung turtle, lamang ka, pag ‘di mo nakuha talo ka sa clash. Tapos may mga pipitas sa inyo, maswerte kayo kung may pang-out kayo.”

Karugtong ng paghahambing niya sa RSG PH at sa karibal na M3 World Champions, “Mas mahirap yung RSG ngayon kasi sobrang galing nung mid nila lalo si Demonkite. Anghirap niya predict-in kung paano siya mag-cocommit kasi minsan uma-out sila eh. Minsan binuburst nila yung Lord. Kaya ayun na din yung titignan namen pag nakalaban namen yung RSG.”

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa Mobile Legends sa pag-follow at pag-like sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Mula sa kamuntikang pag-alis ng Pilipinas at pagdaan sa maraming pagsubok, paano nakabalik si Coach Panda sa tuktok ng MPL