Gumana sa wakas ang textbook ng TNC Pro Team sa Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) upang makuha ang kanilang kauna-unahang panalo sa pamamagitan ng pagwalis sa kasalukuyang top team na ONIC PH sa ikaapat na linggo ng liga.

Pinutol ng Phoenix Army ang kanilang 5-match losing streak sa likod ng signature Franco ni captain-roamer Ben “Benthings” Maglaque at Valentina ni substitute-midlaner Salman “KingSalman” Macarambon.

Sa post-match interview, ibinahagi ni Paulo “Coach 413” Sy kung paano nagsilbing inspirasyon ang Smart Omega sa kanila.

“Actually, sobrang hirap talaga eh kasi first 3 weeks wala kaming pinapanalong game. ‘Yung panalo namin sa ECHO parang tsamba pa. So sa’min ang pinaka-focus lang talaga namin ay hard work and one game at a time lang talaga. And ginamit talaga naming inspirasyon ‘yung kwento ng Omega nung Season 9,” paglalahad ni Coach 413.

Nahirapan din kasi ang Omega sa simula ng Season 9 pero nakapasok sila ng playoffs at nilaglag pa ang TNC para sungkitin ang isang spot sa grand finals na may kaakibat na tiket papuntang MSC 2022. “Helpful siya kasi true to life experience ‘yun,” dagdag pa ng coach.


Benthings at KingSalman pinangunahan ang 2-0 sweep ng TNC laban sa ONIC PH

Benthings ng TNC
Credit: MPL Philippines

Hawak ang kanilang comfort picks, mariing dinomina ng TNC ang ONIC PH sa unang salpukan. Nanguna si Benthings sa kanyang signature Franco sa walang humpay na agresyon ng Phoenix Army sa buong mapa patungo sa swabeng panalo sa loob ng 16 minuto.

Kumana ang captain-roamer ng 100% kill participation mula sa 6 assists at makailang-ulit nahila sina Ralph “Rapidoot” Adrales (Ruby) at Stephen “Sensui” Castillo (Chou). Dahil din sa espasyong naibibigay ni Benthings, madaling nakapundar si Robee “Yasuwo” Pormocille (Beatrix) ng kanyang core items pang magsilbing main damage dealer ng koponan.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Maaga na namang minandohan ng TNC ang tempo sa Game 2. Susi ang Valentina ni KingSalman na palaging kinokopya ang Yve ni Frince Miguel “SUPER FRINCE” Ramirez at mabisang nilalatag ang Real World Manipulation ultimate upang manaig ang kanyang koponan sa mga team fight.

Kumamada si KingSalman ng perpektong 2/0/5 KDA (88% kill participation) at nagbitaw ng halos 23K damage para makaarangkada ang TNC patungo sa 8-1 panalo sa loob ng 13 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Umangat sa 4 puntos ang TNC bagamat nanatili sila sa ilalim ng standings na may 1-5 series win-loss record. ‘Di naman nakaalis sa tabla sa No. 1 ang ONIC PH kasama ang Smart Omega hawak ang parehong 13 puntos.

Back-to-back na panalo ang aasamin ng TNC laban sa Blacklist International bukas. Samantala, sa susunod na linggo na ulit makakapaglaro ang ONIC PH kontra Bren Esports.


Subaybayan ang mga pangyayari sa sa MPL PH Season 10 sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.