Nakatuon ang lahat ng atensyon ni Coach 413 at ng kaniyang TNC Pro Team ML na makuha ang kampeonato sa paparating na MPL Philippines Season 10.

Ito ang ibinahagi ng bagong coach ng team ng kapanayamin siya ng media, kasama na din ang ilang detalye tungkol sa plano niya para magawa ito at ang magiging dinamiko nila ng kaniyang coaching staff.


Tambalang Coach 413 at Coach Scholar tampok sa S10 kampanya ng TNC

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Karugtong ng paglisan ni Vrendon “Coach V” Lin mula sa team sa offseason, susubukan ni Coach 413 na punan ang iniwang spot ng ex-coach upang dalhin ang momentum ng TNC mula sa kanilang breakout campaign noong Season 9 papunta sa idadaos na milestone season ngayon.

Para magawa ito, kinakailangan daw na gawin ng bawat isa ang kanilang mga trabaho simula pa lamang sa kanilang coaching staff. Kaya naman, mas magpopokus daw si Jemson “Coach Scholar” Ignacio sa analyst role, habang bahagi naman niya ang “overall approach, game concept and mentality of the team”.

Sinigurado naman ni Coach 413 na magtutulungan sila ng kaniyang katambal para maabot ng Phoenix Army ang inaasam na tropeyo ngayong Season 10.

Tungkol naman sa transition mula Dota 2 papuntang MLBB, malaki daw ang naitulong ng mga nakasama niyang pros kaya mas napadali ito. Aniya, “I am blessed to work with a lot of professional players and coaches with different playstyles, mindset and concepts about the game. Malaki yung natulong nito sakin sa transition into MLBB. The adjustment is not really big kasi pareho naman yung genre nung game.”


Coach 413: ‘We will try to go for the kill’

Credit: MPL Philippines

Hangad ng bagong coach na mapagtatagumpayan ng TNC ang mga hamon ngayong season, bagamat susuungin nila ang malubak na landas papunta sa kampeonato.

Batid din ng bagong coach ang naging hadlang sa kanilang tuluyang pag-arangkada noong Season 9. “We strongly believe na yung main reason why we fell short during our Season 9 run was because of lack of experience. The pressure greatly affected how we prepared and how we played especially during our last match against Omega.”

Paglalahad ni Coach 413, “Last season, the team’s mindset was more of “let’s do our best and see where it will bring us”. Even the team did not really expect to finish Top 3 during Season 9. Looking back, it is a proof na we can do it despite being a young team.”

Ngayong pinanday na sila ng parehong tagumpay at pagkabigo, inaasahan ng gabay ng team na mas malayo ang mararating nila sa pagbubukas ng S10. “For Season 10, we will try to go for the kill and take that championship. We are sure na it’s going to be a very hard task, pero yun yung mindset namin.”



Sisikapin ni Coach 413 at ng kaniyang TNC Pro Team ML na lampasan ang kanilang 3rd place finish noong nakaraang season ngayong S10.

I-check out ang Facebook ng ONE Esports Philippines para sa pinakahuling balita tungkol sa MPL PH.

BASAHIN: Panoorin ang paborito mong players at teams sa MPL PH Season 10 ng live at onsite!