Matapos ang 0-4 simula sa kanilang kampanya, nagawa rin ng Blacklist International na maka-iskor ng panalo sa Mobile Legends: Bang Bang Philippines Professional League Season 9 (MPL PH Season 9). Pinatumba ng defending champions ang Bren Esports, 2-0 para makabalik sa win column sa likod ng disiplinadong objective-taking at swabeng execution.

Bagamat madulas ang maniobra ng bawat miyembro ng BLCK sa nasabing matchup, hindi maitatanggi na malaki ang ginampanan ng Uranus ni Edward “Edward” Dapadap na magilas na humarap sa kalaban sa dalawang laro.


Ipinamalas ng Uranus ni Edward ang unselfish plays, epektibong zoning at lane control para sa BLCK

Credit: MPL Philippines

Sumandal ang Blacklist International sa Uranus ni Edward sa dalawang laro bilang panapat sa 2-strong lanes ng Bren. Hinarap ng batikang EXP laner ang kapwa dekoradong pro na si David “FlapTzy” Canon na hinawakan naman ang kaniyang Yu Zhong sa static lane tapatan.

Kahit pa dead lane ang inaasahan dito, nagawang maka-angat ng koponan ng Tier One sa pamamagitan ng matalinong rotation at unselfish play mula kay Edward. Partikular itong makikita sa ika-3 minuto ng game 2 kung saan ipinain niya ang kaniyang Uranus sa Yu Zhong ng sa gayon ay makaresbak si Kent Xavier “KEVIER” Lopez hawak ang Roger at makaselyo ng early kill.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports Philippines

Muli itong ipinamalas ng Uranus ni Edward sa ika-10 minuto ng parehong game, sa pagkakataong ito naman ay upang ma-korner nila ni KEVIER ang Brody ni Marco “Super Marco” Stephen para sa importanteng kill.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Maliban sa pagbibigay ng kills sa kaniyang mga cores ay disiplinado rin ang EXP laner ng BLCK sa pag-clear ng minion waves at pagkuha ng atensyon ng kalaban. Mapapansin ito sa mga pagkakataong nakahiwalay siya sa team para sa wave clear kasabay na din ang tangkang puwersahin ang responde ng kalaban sa lane na kaniyang pinupush at magawang maka-survive.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports PH

Ngunit sa lahat ng ipinakita ng MPL PH Season 7 MVP, pinaka-nakabibilib ang kaniyang tapang na lumalim sa panig ng kalaban, puwesahin ang mga engagements at bigyan ng espasyo ang kaniyang cores para makakuha ng objectives.

Sa ika-16 minuto ng game 1 kontra Bren, mapapansin kung gaano katapang ang Uranus ni Edward na itinanggi ang magandang puwesto sa kalaban para makuha ng Blacklist ang Lord objective. Gayundin ang pangmamama na ipinamalas ng taga-Bataan sa ika-18 minuto ng parehong game kung saan nasa loob ng base ang Uranus ni Edward habang sama-samang kumukuha ng purple buff ang kaniyang mga kakampi.

Lumabas ang pagiging beterano ng pro player sa 22-minute mark ng Game 1 kung saan matapos ang napurnadang Lord dance ay iginiit ng Uranus ni Edward ang re-engage para makakuha ng magandang posisyon ang koponan at maselyo ang objective. Ito ang nagpagulong ng huling atake ng BLCK para sa maagang kalamangan sa serye.

Screenshot ni Calvin Trilles/ ONE Esports Philippines

Bagamat tahimik lamang na 3/1/5 at 2/2/11 KDAs ang inilista ng pro, malaki ang tulong na ginawa ng Uranus ni Edward na tumangke ng sangkatutak na damage papunta sa 2-0 sweep. Magkasunod na 178k at 266k damage ang tinanggap ng EXP laner para sa kaniyang team, kaya naman hindi kataka-taka na sa game 2 ng serye ay siya ang hinirang na MVP.

Panoorin ang kabuuan ng laro dito:

Sundan ang pinakahuling balita tungkol sa MPL sa pamamagitan ng pagsunod sa Facebook ng ONE Esports Philippines.

BASAHIN: Coach BON CHAN matapos ang unang panalo ng Blacklist sa S9: ‘Malapit na tayo doon sa hinahanap nating form, konting tiyaga pa’