Inilista na ng Blacklist International ang kanilang pwesto sa Grand Finals ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 11 (MPL PH S11) matapos patumbahin ang RSG Slate Philippines, salamat sa mga matatagumpay na team fights ni Danerie James “Wise” Del Rosario at ng kanyang koponan.

Nakatagpo ng Blacklist ang RSG sa Upper Bracket Finals ng playoffs kung saan hindi makakailang nagdomina ang mga agents. Tinapos nila ang best-of-five series sa score na 3-1 upang umabante sa finals at tanghaling unang Filipino team na lilipad patungong Cambodia para sa MLBB Southeast Asia Cup 2023 (MSC 2023).

Nasa magandang kundisyon ang Blacklist ngayong playoffs, malayong malayo sa kanilang porma nitong nagdaang regular season na tila nangangapa pa sa kanilang playstyle at chemistry. At bilang unang team na nakapasok sa Grand Finals, may pagkakataon ang M3 World champions na kunin ang ikaapat nilang kampeonato sa MPL PH sa season na ito.

Wise ibinahagi ang pinagdaanan ng team ngayong season

Wise OhMyV33nus MPL PH S11 playoffs
Credit: MPL PH

Sa post-match press conference, ibinahagi ni Wise ang kanyang mga saloobin tungkol sa season na ito at kung paano niya nagawang malampasan ang mga pagsubok na pinagdaanan patungo sa possible nilang ikaapat na kampeonato.

“Dun sa apat na season, or lima, ito talaga yung pinaka-worst para sa’kin as a player,” sabi ng jungler. “Kasi dumating na yung mental ano ko eh, parang hindi ko na kinakaya eh.”

Ibinahagi ng tinaguriang King of the Jungle na maliban sa paglalaro ng Mobile Legends ay marami din siyang inaasikaso, kung kaya’t naging mas mahirap para sa kanya ang takbo ng kasalukuyang season. “Kasi bukod sa page-ML ko, dami kong pinangarap din outside the game,” sabi niya.

Mabuti na lamang at nariyan ang kanyang katuwang na si Johnmar “OhMyV33nus” Villaluna at ang kanyang team na tumulong sa kanya na malampasan ang mga hamon.

“Pero buti andyan si V33 na lagi akong kinakausap para ano, ‘cheer up lang, cheer up’,” kwento ni Wise. “Basta lagi akong pinapayuhan ni V33, ayan sila MTB (Master The Basics). Alam naman naming kaya namin eh, talagang may mali lang talagang nangyayari.”

Credit: ONE Esports

Salamat sa kanyang koponan ay nagawa ni Wise na malampasan ang isa sa mga pinakamahirap na seasons para sa Blacklist. Aniya, tiwala ang naging susi upang mailabas nila ang kanilang tunay na laro na posibleng maghatid sa kanila patungo sa pang-apat nilang MPL PH championship.

“Pag may tiwala talaga sa isa’t isa yung team, feeling ko kaya talagang manalo.”

Haharapin ng Blacklist sa Grand Finals ang team na magwawagi sa pagitan ng ECHO at RSG Slate Philippines ngayong Linggo, May 7.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng MPL PH S11 sa mga sumusunod na channels at pages:

Para sa iba pang balita tungkol sa esports at MPL, i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.