Nagsilbing langis ang laro ni roamer Tristan “Yawi” Cabrera na nagpaandar sa ECHO patungo sa 2-1 reverse sweep kontra sa defending world champion na Blacklist International sa pinakahuling serye ng ikatlong linggo ng Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines Season 10 (MPL PH S10) .

Pinagana ng Rafaela at Franco ni Yawi ang signature “ECHO Express” na sumagasa sa pamosong “UBE” strategy sa huling dalawang laro ng serye upang mailista ng koponan ang back-to-back reverse sweep victories sa Week 3 at masolo ang No. 3 spot sa standings.


‘ECHO Express’ pinaandar ni Yawi laban sa ‘UBE’ ng Blacklist International

Yawi at ECHO
Credit: MPL Philippines

Nangingibabaw ang Blacklist International sa mga malalaking team fight sa Game 1 sa kabila ng Cult Altar mula sa Faramis ng ECHO salamat sa mga saktong pag-cast ni OhMyV33nus sa Time Journey ultimate ng Diggie. Sa bandang 13 minuto ng laro, maiging naprotektahan ni V33 ang kanyang mga kakampi upang pumabor sa kanila ang isang 4-for-0 trade na tinapos ng Dawning Light mula sa Xavier ni Salic “Hadji” Imam.

Pinahirapan din ng mga Auto Alarm Bomb ang ECHO na madepensahan ang pagtulak ng Blacklist na tuluyang nilista ang first blood sa serye matapos ang 16 minuto. Nagtala si “The Queen” ng 2/4/17 KDA at 100% kill participation.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Subalit sinagasaan ng “ECHO Express” na pinaandar ng Rafaela ni Tristan “Yawi” Cabrera ang “Ultimate Bonding Experience (UBE)” ng Agents sa Game 2. Mabilis at ligtas na nakaikot sa mapa sina Karl “KarlTzy” Nepomuceno (Julian) at Sanford “Sanford” Vinuya (Benedetta) dahil napawalang-bisa ni Yawi ang mga bomba ng Diggie ni OhMyV33nus.

Isang Flicker-into-Holy Baptism setup din ang binitawan niya sa dulo upang matuldukan ng Orcas ang 17-5 dominasyon sa loob ng 14 minuto. Kumana si Yawi ng 13 assists kontra 2 deaths at 76% kill participation.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Lumamang ang Blacklist sa early game ng decider ngunit muling sinindihan ni Yawi sa kanyang Franco ang “ECHO Express” simula sa 12-minute mark. Isang mabilis na conceal play sa top lane at Bloody Hunt kay Kiel “OHEB” Soriano (Bruno) ang nagresulta sa 2-man pickoff damay ang Xavier ni Hadji at libreng Enhanced Lord take.

Ilang crucial Iron Hook at Bloody Hunt pa ang ginawa ng 20-year-old star roamer upang tuluyang maipako ng Orcas ang panalo matapos ang 17 minuto. Kumana siya ng 12 assists at 1 kill laban sa 2 deaths para sa 93% kill participation habang sila Alston “Sanji” Placibo (Yve) at KarlTzy (Thamuz) ang nagbitaw ng malaking damage.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Sinunggaban ng ECHO ang solo third matapos umangat sa 10 points (4-1 series win-loss record). Samantala, nalasap naman ng Blacklist International ang kanilang unang back-to-back defeats sa panahon ng V33Wise tandem at bumaba sa No. 4 hawak ang 9 points (3-2 record).

Parehong haharapin ng dalawang koponan ang defending MPL PH champ na RSG PH sa susunod na linggo.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: RSG PH sinelyo ang ikalawang sunod na panalo sa tulong ng Fanny ni Demonkite