Patuloy ang roster shuffle ng mga Mobile Legends: Bang Bang Professional League Philippines (MPL PH) teams matapos ianunsyo ng Nexplay EVOS ang pag-alis ni Tristan “Yawi” Cabrera sa nasabing koponan.

Pumutok ang usapan tungkol sa pag-alis ng kilalang tank player nitong off-season sa kabila ng 4th place finish ng koponan noong nagdaang season ng MPL PH. Ngayon, tinuldukan na ng organisasyon ang mga agam-agam sa pamamagitan ng paglathala ng opisyal na desisyon.

“We are grateful that Nexplay served as your breakthrough in the MLBB scene. Aside from the record we achieve, we appreciate your contribution to NXPE! We’re proud of your transformation and we, as well as your fans, can’t wait to witness where your MLBB journey will take you next,” sulat ng NXPE.

Ang mga napagtagumpayan ni Yawi kasama ang Nexplay EVOS

Ang mga napagtagumpayan ni Yawi kasama ang Nexplay EVOS
Credit: Nexplay Esports

Kasapi na ng Nexplay organization si Yawi simula noong unang beses na makasabak ang koponan sa MPL PH noong ika-anim na season nito.

Bagamat dalawang-sunod na season namalagi sa 7th-8th place ang koponan, nagawang higitan ng mga manlalaro ang kanilang sarili matapos magtala ng 4th place finish nitong ikawalong season. Ang naturang puwesto na ang pinakamataas na naabot ng koponan kasama ang Big Three na binubuo nina Yawi, Renejay “RENEJAY” Barcarse, at John Paul “H2wo” Salonga.

Bukod sa pagiging sikat na social media personality, napatunayan din ng 20-taong-gulang na manlalaro ang kaniyang husay pag dating sa Land of Dawn. Hinahangaan ang kanyang laruan bilang tank, lalo na pag gumagamit siya ng mga hero na may kakayahang mag-set gaya ng Khufra, Jawhead, at Akai.

Sa kasalukuyan, hindi pa tukoy kung saang koponan lilipat si Yawi, maging ang manlalarong papalit sa puwang na kanyang iniwan sa NXPE.

BASAHIN: KarlTzy umalis sa Bren Esports para maghanap ng ibang oportunidad