Inanunsyo ng Bren Esports ang pag-alis ni Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno sa kanilang Mobile Legends: Bang Bang roster.

Ayon sa opisyal na pahayag ng organisasyon sa kanilang social media, nais daw tanyag na Jungler na maghanap ng ibang oportunidad sa labas ng organisasyon.

“Karltzy, as of the moment, has decided to branch out for possible opportunities outside of Bren Esports. With utmost respect, we wish him all the best in the future of his career. Thank you for raising the black and yellow banner and more importantly, the flag of the Philippines. All the best, Champ,” sulat ng Bren Esports.

Bago si KarlTzy, nauna na ring namalaam ang organisasyon kina Raven “L3bron” Alonzo at Dwine “Rimuru” Enriquez. Naging parte ang mga manlalarong ito sa nakadidismayang kampanya ng Bren Esports noong nakaraang season ng MLBB Professional League – Philippines (MPL PH) kung saan nagtapos sila sa 7th-8th place, ang pinakamababang placing ng organisasyon simula noong pumasok ito sa liga.

Ang mga napagtagumpayan ni KarlTzy kasama ang Bren Esports

KarlTzy sa Bren Esports

Nagsimulang maging miyembro si KarlTzy ng Bren Esports noong ika-apat na season ng MPL PH matapos lumipat mula sa SGD Omega.

Sa ilalim ng organisasyon, naselyo ng ngayo’y 17-taong-gulang na manlalaro ang una niyang kampeonato sa liga noong ika-anim na season nito. Nakapagpakilala rin siya sa buong mundo matapos niyang magpakitang-gilas noong M2 World Championship, kung saan nagtagumpay ang Bren Esports at hinirang siya bilang MVP.

Naka-ukit na sa kasaysayan ng laro ang husay niya pagdating sa Lancelot matapos ialay ang exclusive M2 World Championship skin ng Bren Esports sa kanyang signature hero.

Credit: Moonton

Sa oras ng paglathala, wala pang opisyal na pahayag ang mga kampo kung saang koponan lilipat si KarlTzy, o kung sino-sinong mga manlalaro ang papalit sa mga umalis sa Bren Esports.

BASAHIN: Sinubukan naming bumili ng M3 Pass at heto ang aming experience at mga nakuhang rewards!