Sa gitna ng mainit na tagisan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia pagdating sa Mobile Legends: Bang Bang professional scene, nagpakita ng magandang gesture ang mga beteranong manlalaro na sina Billy “Z4pnu” Alfonso ng Smart Omega at Muhammad “Lemon” Ikhsan ng RRQ Hoshi.

Nagpalitan kasi ng jersey sina Z4pnu at Lemon sa kalagitnaan ng Mobile Legends Southeast Asia Cup (MSC) 2022 na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Isang magandang senyales ito lalo pa’t maraming Indonesian MLBB fans ang nainis sa kilalang Pinoy player dahil sa ilang mga maaanghang niyang komento kamakailan. Nilinaw naman niya na wala siyang intensyong mang-asar bagkus ay pang-hype lang sa laro ang kanyang mga ginagawa.

Dagdag pa niya, mahal niya lahat ng Indonesian fans maging ang lahat ng tagasubaybay ng MLBB sa buong Asya.


Z4pnu tinawag na ‘idol’ si Lemon

Z4pnu
Credit: MSC 2022

Sa isang live interview kasama si dating EVOS Legends star at M1 world champion Yurino “Donkey” Putra Angkawidjaja sa MSC Indonesia broadcast, inamin ni Z4pnu na iniidolo niya si Lemon. Malaki ang respeto ng Pinoy sa kapwa veteran mula sa Indonesia at pinapakita nito na ang mga nauna niyang mga komento ay pang-hype lang talaga sa laro.

Hindi lang sa panayam ipinakita ng Omega sixth man ang kanyang paghanga sa substitute gold laner ng RRQ. Nag-post din siya sa Instagram ng isang litrato kung saan makikita na nagpalit sila ng jersey.

Sa kanyang caption, sinabi ni Z4pnu: “With my idol @ikhsan_lemon”.

Nag-comment naman si Lemon sa naturang post: “From Season 1.”

Totoo ngang parehong batikang manlalaro na sila at aktibo sa kanya-kanyang MPL region mula pa noong unang season. At ngayon, pareho ring mas madalas silang tumulong sa kanilang mga koponan sa backstage kaysa maglaro.

Ang jersey swap na ito sa pagitan nila Z4pnu at Lemon ay nagpaparating ng mensahe na hindi naman kailangan magbangayan ng fans mula sa Pilipinas at Indonesia sa masamang paraan, bagkus ay saktong kompetisyon lang ang dapat ipairal.

Para sa mga balita patungkol sa MLBB, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Base ito sa istorya ni Redzi Arya Pratama ng ONE Esports Indonesia.