Opisyal nang ipinakilala ng Riot Games si Neon, ang ika-19 na agent sa Valorant na isang Pinoy, at ipinasilip din ng game publisher ang mga posibleng abilities ng pinakabagong karakter sa shooter title nito.
Matapos ang ilang spekulasyon at tsismis sa mga nakalipas na linggo, tuluyan nang inilahad ng Riot ang Manila-born agent sa pamamagitan ng isang malupit na cinematic trailer nitong Huwebes ng umaga (oras sa Pilipinas).
Bukod sa iba’t-ibang pahiwatig sa kanyang pagka-Pinoy, ipinasilip din ang mga posibleng abilities ni Neon na siguradong huhulma sa meta ng Valorant.
Posibleng abilities ni Pinoy agent Neon

Gaya ng mga ipinahiwatig sa teaser na inilabas sa Valorant Champions 2021 at mga voice line ni Chamber, nakabase ang kapangyarihan ni Neon sa kuryente o kidlat.
Makikita ito sa simula pa lang ng trailer kung saan kumikislap ang kanyang mga daliri sa paghawak niya sa lamesa. Sa mga sumunod na eksena, masasaksihan ang mga posbileng abilities ng Filipino agent.
Una na rito ang kanyang sprint ability o pampabilis ng movement na ginamit niya para mapatay si Sova sa A Hall sa Breeze.

Sunod na ipinakita ang kanyang slide ability na ginamit niya para mag-entry at patumbahin sila Cypher at Jett sa A site ng Icebox. Parang katulad ito ng “E” ability ni Jett na Tailwind.

Maaring isa sa sprint at slide skill ni Neon ang kanyang signature ability at maaari rin na isa rito ang kanyang passive ability tulad ng paglutang o mabagal na pagbaba mula sa ere na abilidad ni Jett kapag dinidiinan ang jump button o space bar.
Mayroon ding kakaibang grenade ability si Neon. Makikita sa trailer na tumatalbog ito sa pader at nakaka-stun o concuss sa pagsabog nito. Gamit ito, napatay niya nang mabilis ang Omen sa B site ng Ascent.
May wall ability din siya na kamukha ng kay Phoenix pero halatang mas maganda at mas malakas dahil doble ito. Lumalabas ito sa magkabilang gilid niya at pinapatiling may daanan sa gitna kaya naman may mga fans na inihahalintulad ito sa “parting of the Red Sea” ni Moses.
Ayon din sa mga ilang haka-haka, maaaring may damage ito ‘pag dinaanan ng kalaban, tulad ng “C” ability ni Phoenix na Blaze. Mabisa niya itong ginamit kasabay ng kanyang slide ability para puksain ang nagka-camp na Omen sa B site ng Split.
Huling ipinasilip ang posibleng ultimate ability ni Neon kung saan matapos siyang i-revive ni Sage, isa-isa niyang pinatumba ang mga kalaban sa Fracture A site gamit ang lumalabas na kidlat sa kanyang daliri. Halos katulad ito ng ulti ni Jett na Blade Storm, na mabilis na nakakapatay ng mga kalaban.

Si Neon ay nabibilang sa duelist class at siya ang magiging ika-anim na duelist sa naturang laro, sunod kila Jett, Phoenix, Raze, Reyna at Yoru.
Ang mga nabanggit ay mga posibleng abilities pa lamang ni Neon na hinugot mula sa trailer. Wala pang inilalabas ang Riot Games na konkretong listahan ng kanyang mga skill.
Release date ni Pinoy agent Neon

Nakatakdang ilabas si Pinoy agent Neon kasabay ng pagsisimula ng Episode 4: Disruption.
Ayon sa leaker na VALORANT Hub sa Twitter, posibleng magsimula ang Episode 4 sa ika-12 ng Enero. Nagbatay ang VALORANT Hub sa end date ng Episode 3 Act 3 Battle Pass na ika-11 ng Enero.
Abangan ang mga update sa pinakabagong Pinoy agent na si Neon maging ang mga balita tungkol sa Valorant sa ONE Esports Philippines.