Ipinakilala na sa wakas ng Riot Games ang pinakabagong Valorant agent na si Neon, isang Manila-born duelist na may taglay na kapangyarihang kidlat.

Sa video trailer ni Neon, nakikita siyang nag-aayos ng kanyang mga gamit sa kanyang kwarto. Nilista namin ang ilang detalye na sa tingin namin ay sumasalamin sa pagka-Filipino ng pinakabagong miyembro ng Valorant Protocol.


Gilas Pilipinas jersey

Credit: Riot Games, screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Kapansin-pansin ang Gilas Pilipinas jersey number five at mini-basketball ring na nakasabit bilang palamuti sa kwarto ni Neon.

Malapit sa puso ng mga Pinoy ang nasabing jersey dahil ito ay ginamit ng men’s national basketball team ng Pilipinas noong sumabak ito sa FIBA Asia Cup. Ang number jersey ay nasuot ng mga batikang manlalaro gaya nina L.A. Tenorio at Gabe Norwood.

Nakaselyo ng silver medal sa naturang turneo ang Pilipinas noong 2013 at 2015 gamit ang jersey na ‘to. Isa ito sa mga ‘di malilimutang tagumpay ng bansa sa larangan ng sports kaya’t nakatutuwang makita ito sa trailer ng Pinoy Valorant agent.


“Hay, buhay”

Credit: Riot Games, screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Sure kaming maraming naka-relate sa part na ‘to. 

Sa unang habagi ng trailer ni Neon, makikita siyang nag-play ng isang video ni Phoenix na nakikipagbarilan. Habang pinapanood, napabuntong-hininga ang Pinay, sabay bigkas ng, “Hay, buhay,” bago humiga sa kanyang kama.

Madalas ang mga pagkakataong na-o-overwhelm tayo sa mga nangyayari sa ating paligid at wala na tayong magawa kung hindi magbuntong-hininga at sabihing, “Hay, buhay.” Pero gaya ng ginawa ni Neon,nakakatulong din ang tamang sound trip.


Ylona Garcia poster

Credit: Riot Games, screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

Kung ‘di pa sapat ang pagiging tubong Manila ng naturang Valorant agent, nakipag-partner din ang Riot Games sa Filipino-Australian singer at 88rising member na si Ylona Garcia para gamitin ang pinakabago niyang single na “Entertain Me” sa trailer ni Neon.

Bukod sa ito ang music na pinatugtog ng naturang duelist habang inaayos niya ang kanyang kwarto, makikita rin sa halos tatlong minutong video ang nakapaskil na poster na may pangalan ni Ylona Garcia.

Pero dahil may sariling mundo ang Valorant, posible kayang simula lang ito ng partnership ni Ylo at Riot Games? Malay natin, magkaroon ng-a la K/DA ng League of Legends ang laro?


Walis tambo

Credit: Riot Games, screenshot ni Maouie Reyes/ONE Esports

‘Di mawawala sa bawat tahanan ng pamilyang Filipino ang walis tambo.

Nang matapos na si Neon mag-ayos ng kanyang mga gamit, kinumusta siya ni Sage. Sa shot na ‘yon, kapansin-pansin ang nakasandal na walis tambo sa may pader ng kwarto ng Pinoy.

Pro tip lang: okay din kung isabit o itiwarik na lang ni Neon ‘yung walis tambo para hindi agad bumuka ‘yung mga buhok. Magkakaroon kasi ng space sa gitna ‘yan pag nagtagal at ‘di na masyado magiging mabisa ipangwalis.


Gawing mic ano man ang mahawakan

Bukod sa pagmamahal sa basketball, sikat din ang Pilipinas at mga Pinoy dahil sa hilig at galing sa pagkanta. Madalas pa ngang maging biruan sa social media na normal na araw lang dito ang makarinig ng mga bumibirit sa videoke.

Sa trailer ni Neon, mangilang beses siyang nakitang sumasabay sa pinapatugtog niyang kanta habang ginagamit ang suklay, toothbrush, at vacuum bilang mic. 

Solid din gamitin ang iba pang gamit na makikita sa bahay gaya ng tabo, bote ng tubig, at syempre, walis tambo.


Mapapanood ang buong trailer ni Neon dito:

May napansin pa ba kayong Pinoy moments sa trailer ni Neon? Ipadala sa aming official ONE Esports Philippines Facebook page!

BASAHIN: Lumipat sa Singapore ang European Valorant pro na ‘to para sumali sa isang SEA team