Pinatotohanan ng 100 Thieves ang 9-3 curse sa Valorant, hindi lang isa kundi dalawang beses pa sa isang serye lang.

Laban sa explosibong FaZe Clan sa upper bracket first round ng VCT NA Stage 2 Challengers playoffs, dehado ang 100 Thieves sa iskor na 3-9 sa kada half ng bawat mapa.

Pero sa hindi inasahang kalalabasan ng mga pangyayari, gumawa ng malupit na comeback ang koponan sa una at ikatlong mapa upang makuha ang 2-1 panalo sa serye. Bumida ang young gun na si Sean “bang” Bezerra sa kanyang 58 kills at 9 first bloods sa buong match.

Matapos buuin ang kanilang bagong roster kasama si Peter “Asuna” Mazuryk, inaasam ng 100 Thieves na umangat ulit sa Stage 2 pagkatapos ng nakakadismayang panimula sa taon kung saan nabigo silang makapasok sa Stage 1 playoffs.


Pinatunayan ng 100 Thieves ang 9-3 curse kontra FaZe Clan

100 Thieves
Credit: 100 Thieves

Nagsimula ang serye sa map pick ng 100 Thieves na Split. Nagsimula sila Asuna sa attacking side pero nagawa lang makakuha ng tatlong rounds laban sa solidong depensa ng FaZe Clan.

Nagpakitang-gilas si FaZe star Andrej “babybay” Francisty sa Neon sa defensive half kung saan sinasabay niya ang Relay Bolt stun sa Fault Line ng kanilang Breach para yupiin ang 100T sa mid. Tinulungan din siya ng High Gear na i-flank ang 100T.

Pero noong 100T na ang nasa defending side, bigla nang bumaligtad ang sitwasyon. Sa pangunguna ni bang, kumuha sila ng limang sunod-sunod na rounds bago pa maka-iskor ulit ang FaZe at tuluyang nilista ang 13-10 win sa Split.



Nakabawi ang FaZe Clan sa Fracture at muling kumuha ng 9-3 lead sa first half. Sa pagkakataong ito, hindi na nila hinayaang mabangon pa ang 100 Thieves at ipinukol ang 13-7 victory para ipwersa ang decider sa Icebox.

Binaon na naman ng FaZe ang 9-3 kalamangan sa pamamagitan ng ilang matagumpay na opening picks. Pero tulad ng nangyari sa Split, nanakaw na naman ng 100T ang momentum matapos ang ikalawang pistol round.

Malaki na naman ang ginampanan ni bang sa comeback. Hawak ng 100T ang match point, pinagpatuloy niya ang pag-hold sa mid at hinintay ang rotation sa ilalim ng Tube kahit pa naka-plant na ang Spike sa A. Dahil dito ay napitas niya si Phat “supamen” Le at binigay ang advantage sa post-plant upang tuluyan nilang maisara ang serye.

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa Valorant news, guides at highlights.


Base ito sa orihinal na artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.