Bigo ang Sentinels na maselyo ang ikalawang sunod nilang championship title matapos tuldukan ng Team Envy ang kanilang kampnya sa VCT Stage 3 Masters Berlin.

‘Di nakaporma ang champions ng VCT Stage 2 Masters Reykjavík kontra third seed ng VCT NA Stage 3 Challengers Playoffs nang magharap ang dalawa sa quarterfinals ng playoffs.

Paano nilaglag ng Team Envy ang Sentinels sa VCT Masters Berlin

Team Envy
Credit: Riot Games

Itinadhana ang paghaharap ng dalawang koponan matapos pangibabawan ng Team Envy ang Group B. Samantala, tinapos naman ng Sentinels ang kanilang performance sa group stage na pumapangalawa sa Group D top-seed na G2 Esports.

Nag-umpisaang best-of-three serye sa Haven. Nagtala ng five-round winstreak ang Team Envy sa pangunguna ng Jett ni yay at umabot pa nga sa 11-3 ang kanilang kalamangan bago tuluyang magising ang Sentinels.

Sa kabila ng pagpapakitang-gilas ng Jett ni Tyson “TenZ” Ngo, na nagtala ng game-high 30 kills, 287 ACS, at isang ace noong round 23 para matulungan ang kanyang koponan na mapwersa ang overtime, nabigo pa rin ang mga ito na baliktarin ang resulta ng mapa na nagtapos sa score na 15-13.

Pagpasok sa Split, nagdesisyon ang Sentinels na palitan ang agent na ginagamit ni TenZ sa Raze at ibigay kay Shahzeb “ShahZaM” Khan ang Jett.

Muling nangibabaw ang Team Envy sa unang half ng mapa matapos muling magtala ng five-round winstreak. Nanguna rin ang Astra ni Jimmy “Marved” Nguyen na naka-4K noong ika-anim na round para makuha ng kanyang koponan ang momentum.

Credit: Riot Games

Bagamat bahagyang nakabawi ang Sentinels bago tuluyang lumipat sa ikalawang half ng mapa, hindi ito naging kasing lakas katulad noong sa nakaraang mapa.

Tinuloy ng Team Envy ang kanilang undefeated map streak sa naturang turneo matapos pangibabawan ang Split sa score na 13-7. Umabante ang koponan para harapin ang isa pang NA representative na 100 Thieves habang nag-settle naman sa ika-5th-8th place ang Sentinels.

Credit: Riot Games

Mapapanood ang VCT Stage 3 Masters Berlin sa opisyal na Twitch at YouTube channel ng Valorant. Para naman sa kumpletong resulta at lahat ng kailangan pang malaman tungkol sa VCT Stage 3 Masters Berlin, magtungo lang sa link na ‘to.