Kinumpleto ng T1 Valorant ang kanilang roster sa pamamagitan ng pag-sign kay Byeon “Munchkin Sang-beom, na sumikat noon bilang DPS player ng Seoul Dynasty sa Overwatch League bago lumipat sa Valorant kasama ang Cloud9 Korea.

Kamakailan lang ay pinalakas din ng T1 ang kanilang lineup sa pag-recruit kina Son “xeta” Seon-ho at head coach Yoon “Autumn” Eu-teum matapos humiling na sumali ang duo sa South Korean organization. Pinalitan ni xeta si Rahul “curry” Nemani na na-trade sa C9.

Magkakasama muli sina Munchkin, xeta at Autumn na pare-parehong mga orihinal na miyembro ng Cloud9 Korea squad.

Wala man ang T1 ngayon sa Valorant Champions Tour (VCT) 2022 season, malinaw na nakatuon ang pansin ng organisasyon sa pag-rebuild para sa VCT 2023. Nagsagawa rin ng pagbabago ang koponan sa coaching staff nito matapos i-release so coach David Denis nitong Mayo lang din.


Puno ng Korean talent ang kasalukuyang T1 Valorant

T1 Valorant
Credit: T1

Bagamat magkakahalo ang nasyonalidad ng mga manlalaro, muling idiniin ni T1 CEO Joe Marsh ang kanilang intensyon na manatili sa North America para sa VCT.

Tangan-tangan ni Munchkin ang kanyang malawak na karanasan sa international stage ng Valorant. Dati siyang miyembro ng Crazy Raccoon na sumali sa Masters Reykjavik, Berlin at Valorant Champions noong nakaraang taon. At ngayong 2022 lang, muntik na silang makapasok sa Stage 1 Masters ngunit kinapos kontra Zeta Division sa grand final ng VCT Japan.

Dati nang nilisan ng 24-year-old pro ang Japanese squad noong Disyembre para maghanap ng mga bagong oportunidad ngunit bumalik din siya kalaunan para sa VCT Japan Stage 1.

Kilala si Munchkin sa kanyang aggressive playstyle sa duelist agents at nakikitang siya ang kukuha ng entry-fragger role sa T1 Valorant.

Ang kumpletong roster ng T1 Valorant

  •  Joshua “steel” Nissan
  •  Zander “thwifo” Kim
  •  Josh “pwny” VanGorder
  •  Son “xeta” Seon-ho
  •  Byeon “Munchkin” Sang-beom

Para sa Valorant news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.


Ito’y pagsasalin ng artikulo ni Wanzi Koh ng ONE Esports.