Isang nakakalungkot na pagkatalo ang natamo ng Team Secret sa kamay ng Korean team na Gen.G Esports sa lower bracket quarterfinals ng Valorant Champions Tour 2023 Pacific League.

Nakuha ng Gen.G ang panalo sa score na 2-1, kung saan ang deciding round ay umabot sa isang overtime.

Maraming mga fans ang nakaramdam ng matinding pagkadismaya sa pagtatapos ng run ng nag-iisang Filipino team sa liga.

Team Secret kontra Gen.G sa lower bracket ng VCT Pacific playoffs

Team Secret VCT Pacific entrance
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Naging maganda ang panimula ng Secret sa series. Nagdomina sila sa unang game kung saan nanalo sila sa Ascent, ang mapang pinili ng Gen.G. Sa kabila ng 0-6 na kalaman ng Korean team, nakakuha ang Secret ng anim na sunod-sunod na rounds upang tapusin ang unang half, dito sila nakuha ng momentum upang makuha ang unang puntos ng series.

Nakakabigla naman ang mga pangyayari sa Game 2 kung saan nabasa ng Gen.G ang winning play kung saan nag-overcommit ang Adobo Gang sa site. Masasabi dito na talagang nag-aral nang mabuti ang Gen.G.

Sa Split naganap ang huling game kung saan nakuha na ng Secret ang 11-6 na kalamangan sa ika-17 na round. Anim na magkakasunod na rounds ang kinuha ng Gen.G para sa match point, subalit isang clutch play ang ipinakita ni Jayvee “DubsteP” Paguirigan upang pwersahin ang overtime.

Nakuha ng Korean squad ang unang round ng OT, salamat sa tatlong kills na napitas ni Ko “Sylvan” Young-sub. Bitbit ang momentum na ‘to, tinapos nila ang series sa isang Flawless win sa Round 26 upang tuluyan nang putulin ang karera ng Team Secret sa VCT Pacific.

Mensahe mula kay JessieVash

Team Secret JessieVash VCT Pacific post-match interview
Screenshot by Ron Muyot/ONE Esports

Sa post-match interview, damang dama ang lungkot at dismaya sa boses ng team captain ng Secret na si Jessie Cristy “JessieVash” Cuyco habang nagbibigay ng mensahe sa kanilang mga fans.

“Maraming maraming salamat sa laging pagsuporta sa team, sa mga players,” sabi ni Jessie. “Pasensya na, andami naming throw. Pero alam naman namin yun, yung mga rounds na may mali, try namin ayusin sa mga susunod na matches.”

Pangako ni Jessie na mas lalo pang pagbubutihan ng kanyang team at pagsusumikapan nilang ayusin ang mga pagkakamaling nagawa bilang paghahanda sa mga susunod pa nilang tournaments.

Bilang pagtatapos, ipinahayag ng kapitan na may pag-asa pa silang makapasok sa Valorant Champions 2023. “May LCQ pa,” sabi niya.

Para sa iba pang balita tungkol sa gaming at esports, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook