Punong-puno ng aksyon at bakbakan ang nakalipas na apat na araw ng group stage sa The International 10.

Sa kabuuan, 144 serye o 288 games ang nilaro ng lahat ng 18 koponan sa unang round ng pinakamalaking Dota 2 tournament ngayon taon. Pero ilan sa mga larong ito ang gumawa ng mga pangyayaring pumukaw sa atensyon ng fans.

Narito ang apat na aliw moments sa TI10 Group Stage:


4 na aliw moments sa TI10 Group Stage

N0tail at Fly nagbigayan ng tip sa isa’t-isa

4 na aliw moments sa TI10 Group Stage: Bigayan ng tip ni Fly at N0tail
Credit: OG, EG

Talaga namang inabangan ang salpukang OG at Evil Geniuses sa ikatlong araw ng group stage. Bukod sa pagiging mabibigat na title contenders ngayong taon, may halong kasaysayan din sa pagitan ng dalawang koponan na ito at sa kanilang mga manlalaro, lalo na sa kanilang mga kapitan na sina Johan “N0tail” Sundstein ng OG at Tal “Fly” Aizik ng EG na dating sanggang-dikit na magkakampi ngunit kalauna’y naging magkaribal.

Binigyan ng tip ni N0tail si Fly nang mapatay niya ito sa Game 1 na tinapos ng OG sa loob lamang ng 21 minuto.

Inulit pa ito ni N0tail sa Game 2 pero nakuha ni Fly ang huling halakhak at bumawi din ng tip sa dulo nang masiguro na nila ang 1-1 draw.

Dahil sa mga sandaling tulad nito, talagang kaabang-abang palagi ang bakbakang OG at EG.


Iniwan ng OG ang Aegis of Immortal kontra sa Undying

Alam ng karamihan ng Dota 2 fans na mahilig ang OG na mang-troll ng mga kalaban nila sa pamamagitan ng pag-spam ng chat wheel voice lines at stickers.

Pero sa isang pambihirang pagkakataon sa Game 1 laban sa Undying, iniwan ng two-time defending TI champion ang Aegis of Immortal matapos nilang mapatay si Roshan. Hindi alam kung sinadya nila ito pero tinignan ito ng ilang fans bilang next level trolling.

Pinulot ito ni Undying carry Enzo “Timado” Gianoli O’Connor ngunit wala rin naman ito masyadong naging epekto dahil tinapos ng OG ang laro sa loob lamang ng 19 minuto.


Kulitan ng PSG.LGD at beastcoast na binasag ni NothingToSay

4 na aliw moments sa TI10 Group Stage: Kulitan ng PSG.LGD at beastcoast na binasag ni NothingToSay
Credit: WePlay Esports

Nagtagpo sa ikatlong pagkakataon ngayong taon ang Chinese powerhouse na PSG.LGD at South American team na beastcoast nang magkaharap sila sa huling araw ng TI10 Group Stage.

At sa pagsisimula ng Game 2 ng kanilang serye, tila nagkaroon ng kamustahan at kulitan ang dalawang koponan sa river area sa mid lane kung saan nag-spam ang ilan sa mga player ng high-five at stickers.

Pero parang ‘di yata natuwa si PSG.LGD midlaner Cheng “NothingToSay” Jin Xiang at sinira ang eksena.

Gaya ng inaasahan, tuluyang winalis ng LGD ang beastcoast sa naturang serye. Sa kabila nito, pinakita ng friendly banter sa pagitan ng koponan ang lighter side ng The International.


“xd” ni Kuku at ang redemption arc ni SabeRLight-

4 na aliw moments sa TI10 Group Stage: Kuku at Saberlight, bati na
Credit: T1, Beyond The Summit

Paniguradong ang banggaang T1 at Undying ang pinaka-inabangang group stage match ng Pinoy at Southeast Asian fans dahil sa nakaraang isyu na kinasangkutan ng offlaner ng North American squad na si Jonáš “SabeRLight-” Volek.

Matatandaang tinawag ni SabeRLight- na “bunch of noobz” ang SEA region sa isang tinanggal nang tweet na reply niya sa naunang tweet ng kakamping si David “MoonMeander” Tan.

At sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon na makaharap ng isang koponan mula sa SEA sa anyo ng T1 si SabeRLight- at Undying, na pawang first-timer sa isang LAN event ngayong taon.

Pinamukha ng T1 ang lakas ng rehiyon sa pamamagitan ng pagwalis sa Undying sa serye kung saan pinaulanan nila ng tips si SabeRLight-. At sa isang pagkakaton na napuksa nila ang offlaner, nag-type si Pinoy captain Carlo “Kuku” Palad ng “xd” (“xD” emoticon para sa halakhak) sa all chat.

Pero salamat kay SabeRLight- at sa Undying, hindi na kinailangan pa ng T1 na makipagbuno sa tiebreakers para makakuha ng upper bracket spot dahil nagpwersa ng 1-1 tabla ang Undying kontra sa Evil Geniuses.

Sa isang reply tweet kay T1 carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon, sinabi ni SabeRLight- na na-guilty siya sa nakaraan niyang komento at sana ay nakabawi siya sa pamamagitan ng magandang laro niya sa Game 2 win ng Undying laban sa EG.

Ni-retweet ni Kuku ang naturang reply ni SabeRLight- at tinawag niya itong idolo.


May mga naiisip ka pa ba na dapat kasama sa listahang ito ng aliw moments sa TI10 Group Stage?


Kung gusto mo pa ng Dota 2 content tulad nito, panoorin ang Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.