Parehong bumagsak ang BOOM Esports at Fnatic sa lower bracket ng PGL Arlington Major 2022 matapos silang makatikim ng 0-2 sweep sa kamay ng Chinese giants na PSG.LGD at Team Aster sa unang araw ng playoffs.
May direct invite na sana ang dalawang pambato ng Southeast Asia sa The International 11 (TI11) kung na-upset nila ang kanilang mga kalaban mula sa China. Sa kabila nito, may huling tsansa pa rin ang BOOM Esports at Fnatic upang maselyo ang kanilang pwesto sa pinakamalaking Dota 2 tournament ngayong taon.
Walong koponan na ang nakasiguro ng kanilang direct invite sa TI11 at apat na lang ang hinihintay. Anim sa walong koponan na nasa lower bracket ng Arlington Major, kabilang ang BOOM Esports at Fnatic, ang lalaban pa upang maiwasan ang madugong TI Regional Qualifiers.
Kailangang manalo ng BOOM Esports at Fnatic sa lower bracket para masiguro ang direct invite sa TI11

Sa kasalukuyan, parehong pasok pa rin BOOM Esports at Fnatic sa top 12 ng Dota Pro Circuit (DPC) 2021-2022 rankings na makakatanggap ng direct invite sa TI11 na gaganapin sa Singapore. Ang SEA champs ay nasa No. 10 spot hawak ang 1,122.5 DPC points habang ang SEA third seed naman ay nasa No. 12 tangan ang 1,020 DPC points.
Kailangan ng BOOM Esports at Fnatic na makapagtala ng top 8 finish sa gumugulong na Arlington Major na magbibigay sa kanila ng 360 DPC points, sapat para malampasan nila ang kasalukuyang threshold na 1,212. Upang magawa ito, kakailanganin nilang talunin ang makakatunggali nila sa best-of-3 series sa lower bracket round 1.

Haharapin nila kapitan Andrei “skem” Ong at kanyang mga kasamahan ang Western European rep na Team Liquid, na naghahabol din ng DPC points para makasungkit ng TI11 direct invite. Nakapwesto sa No. 13 ng DPC rankings ngayon ang Liquid na may 890 points at kailangan lang din nilang manalo para makakuha ng direct invite.
Ayon sa batikang Dota 2 statistician na si Ben “Noxville” Steenhuisen, kahit matalo ang Indonesia-based team na tinatampok din ang Pinoy stars na sina Erin Jasper “Yopaj” Ferrer at Timothy “TIMS” Randrup ay mayroon pa rin silang 22% chance na direktang makausad sa TI. Dedepende ito sa resulta ng ibang lower bracket matchups.

Sa kabilang banda, sasagupain naman ng Fnatic ang South American powerhouse na beastcoast, na may siguradong pwesto na sa TI11 matapos silang makalikom ng 1,295 DPC points.
Must-win ito para kila Djardel “Dj” Mampusti at Fnatic na tinutulungan ngayon ng tatlong TSM FTX players sa Major. Kung hindi kasi sila mananalo, mapapatalsik sila sa No. 12 dahil siguradong malalampasan ang kanilang puntos ng mananalo sa pagitan ng Outsiders at Royal Never Give Up sa isang lower bracket match.
Unang sasalang ang BOOM Esports laban sa Team Liquid mamayang 11 ng gabi. Kakalabanin naman ng Fnatic ang beastcoast bukas sa parehong oras.
Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa PGL Arlington Major 2022 at Dota 2 updates.