Pasok na ang BOOM Esports sa The International 11 (TI11) matapos nilang padapain ang Team Liquid sa iskor na 2-1 sa lower bracket first round ng PGL Arlington Major 2022 nitong Huwebes ng madaling araw (oras sa Pilipinas).

Maagang dinikta ng kasalukuyang hari ng Southeast Asia ang tempo sa win-or-go home Game 3 bago magpakita ng disiplinadong atake upang itala ang top 8 finish sa huling Dota 2 Major ng 2021-2022 season na tuluyang nagselyo ng kanilang direct invite sa TI11.

Bukod kasi sa US$12,500 o mahigit PHP687,000 na premyo, may kaakibat itong 360 Dota Pro Circuit (DPC) points na nagbigay sa kanila ng sumatotal na 1,482.50 DPC points, sobra pa para masunggaban ang isa sa 12 direct invite patungo sa pinakamalaking torneo ngayong taon na gaganapin sa Singapore.


Tusk ni TIMS bumida para sa BOOM Esports sa Game 3 kontra Team Liquid

TIMS hinirang na MVP sa Game 3 ng BOOM Esports vs Team Liquid
Credit: PGL

Nakakuha ng maagang kalamangan ang BOOM Esports sa laning stage pa lang salamat sa kanilang swabeng pag-ikot sa mapa na pinangunahan ng Tusk ni star position-4 support Timothy “TIMS” Randrup kasama ang Enchantress ni captain-hard support Andrei “skem” Ong. Mabisa nilang na-shutdown ang Visage ni Team Liquid offlaner Ludwig “zai’ Wahlberg para mabigyan ng malaking space ang kanilang carry Juggernaut ni Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong.

Tuluyang nakaalagwa ang pambato ng SEA nang mabaligtad nila ang clash para sa ikalawang Roshan sa 29-minute mark. Binuhos nila Lasse “MATUMBAMAN” Urpalainen (Terrorblade) at Liquid ang kanilang damage at skills para mapuksa si offlaner Saeiful “Fbz” Ilham (Death Prophet) subalit agad na rumesbak sila TIMS, JaCkky at midlaner Erin Jasper “Yopaj” Ferrer (Keeper of the Light).



Mula dito ay ipinamalas na ng BOOM Esports ang kanilang disiplina at pinalaki pa lalo ang kanilang kalamangan. Hinintay nilang makuha ang kani-kanilang core items at ang ikaapat na Roshan na nakapagbigay ng Aghanim’s Scepter kay TIMS na ginamit niya sa kanilang high ground siege.

Sa mga huling clash ng laro, pinagsisipa ni TIMS gamit ang Agh’s Scepter ability na Walrus Kick sila MATUMBAMAN at Michael “miCKe” Vu (Tiny) palabas ng base at papunta sa mga nag-aabang na miyembro ng BOOM. Tuluyan nilang tinuldukan ang panalo pagsapit ng 53 minuto.



Ito ang unang beses na sasabak ang BOOM Esports sa TI maging sina Yopaj, skem, Fbz at JaCkky. Samantala, lalaro naman si TIMS sa kanyang ikalimang TI matapos ibander ang Execration noong 2016 at TNC Predator sa sumunod na tatlong taon.

At dahil pasok na ang BOOM sa TI11, sigurado nang may dalawang koponan ang SEA sa kauna-unahang Dota 2 world championship na isasagawa sa naturang rehiyon. Magkakaroon pa kasi ng Regional Qualifiers kung saan isa pang koponan ang siguradong magka-qualify.

Pwede pang maging tatlo ito kung magtatagumpay din ang Fnatic laban naman sa beastcoast sa lower bracket ng Arlington Major. Maghaharap ang SEA team at South American squad mamayang ika-11 ng gabi.

Maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook para manatiling updated sa mga kaganapan sa Arlington Major at Dota 2.