Hinirang muli na hari ng Southeast Asian Dota 2 ang BOOM Esports matapos nilang bawian ang Talon Esports sa pamamagitan ng 2-1 reverse sweep sa tiebreaker match para sa first place ng DPC SEA Tour 3 Division 1.

Nagpasiklab ang Pinoy star midlaner na si Erin Jasper “Yopaj” Ferrer sa Game 2 at 3 upang tulungan ang Indonesia-based team na magantihan ang natatanging koponan na nagpatumba sa kanila sa ikatlong Tour at bawiin ang trono mula sa Fnatic.

Bukod pa rito, nasunggaban ng unang kinatawan ng SEA sa Arlington Major ang napakahalagang 500 DPC points na lalong nagpalapit sa kanila sa inaasam na direct invite sa The International 11.


Yopaj nagpakitang-gilas gamit ang Tiny at Void Spirit sa BOOM Esports vs Talon Esports tiebreaker match

Yopaj ng BOOM Esports
Credit: BOOM Esports, Valve

Tulad ng inasahan, mainit agad ang naging sagupaan sa pagitan ng mga pinakamalakas na koponan sa SEA sa kasalukuyan. Back-and-forth ang labanan sa Game 1 na umabot ng mahigit isang oras pero nagawang manaig ng Talon Esports sa pamamagitan ng isang malupit na game-ending clash.

Nakaakma nang iselyo ng BOOM Esports ang first blood sa serye nang ma-secure nila ang Roshan sa 1 hour-mark at makapulot ng ilang Tier 5 neutral items. Ngunit pagdating sa kanilang tangkang mag-high ground, nahuli ni Nuengnara “23savage” Teeramahanon (Doom) si Yopaj (Kunkka) sabay pumasok ang naglalagablab na Ember Spirit ni dating BOOM midlaner Rafli Fathur “Mikoto” Rahman at pinulbos nila ang mga miyembro ng kanyang former team.



Walang buyback si Yopaj maging ang Pinoy support duo na sila Timothy “Tims” Randrup (Marci) at Andrei “skem” Ong (Snapfire) kaya naman rumekta na ang Talon sa pagkuha ng unang panalo sa serye.

Gigil na bumawi ang BOOM Esports sa Game 2 sa pangunguna ng Tiny ni Yopaj na tumikada ng kills sa buong mapa. Nagtala ang 20-year-old star ng 12 kills at 8 assists kontra 1 death sa 25-7 victory sa loob ng 34 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Nakakuha ng maagang kalamangan si Mikoto sa kanyang Batrider sa Game 3 pero hindi ito na-capitalize ng Talon Esports. Sa halip, sina Yopaj sa kanyang Void Spirit at BOOM Esports ang naging agresibo sa pag-initiate ng mga team fight.

Pagkakuha ni Yopaj sa kanyang Aghanim’s Scepter, agad niyang napitas si 23savage (Morphling) na nagbigay-daan para kunin ng kanyang mga kakampi ang unang Roshan. Mula dito ay tuloy-tuloy na ang pagkuha ni Yopaj ng mga pickoff at ang pag-arangkada ng BOOM tungo sa panalo.



Naglista si Yopaj ng 13-2-2 kill-death-assist at 22.5K hero damage sa 23-9 win sa loob ng 37 minuto. Malaki rin ang impact nila Tims (Mirana), skem (Warlock) at Indonesian offlaner Saieful “Fbz” Ilham (Mars) sa mga clash habang nagampanan naman ni Lao carry Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong (Terrorblade) ang kanyang trabaho na bumasag ng mga tore.

Sinungkit muli ng BOOM Esports ang kampeonato sa DPC SEA at ang top prize na US$30,000 (mahigit PHP1.6 milyon) kasama ang 500 DPC points na nagdala sa kanila sa No. 8 sa DPC 2021-2022 rankings hawak ang sumatotal na 1,122.5 points. Susubukan nilang iselyo ang TI11 direct invite sa Arlington Major.

Ang 12 teams na may pinakamaraming DPC points sa pagtatapos ng season ay makakatanggap ng direct invite sa TI11 na gaganapin sa Singapore. Sa ngayon, ang nakaka-secure pa lang ng direct invite ay ang Thunder Awaken (South America), PSG.LGD (China), TSM.FTX (North America) at OG (Western Europe).

Samantala, nakuha nila 23savage at Talon Esports ang US$28,000 (mahigit PHP1.5 milyon) at 300 DPC points sa kanilang debut sa SEA Division 1. Makakasama rin nila ang BOOM at Fnatic sa pagbandera ng SEA sa Arlington Major na nakatakdang ganapin sa Agosto sa Texas, USA.

Para sa mga balita patungkol sa Dota 2, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.