Sinigurado nila Pinoy midlaner Armel “Armel” Tabios at Fnatic na hindi na sila dadaan pa sa tiebreaker para sa huling tiket ng Southeast Asia patungo sa PGL Arlington Major 2022.

Pinalubog ng Fnatic ang T1 sa pamamagitan ng isang 2-0 sweep sa Dota Pro Circuit (DPC) SEA Tour 3 Division 1 at dahil dito ay naiwasan nila ang posibleng three-way tie kasama ang T1 at RSG sa 3rd place.

Bumida sa Game 1 ang napakatabang Terrorblade ni Polo “Raven” Fausto, na halos 10K net worth ang kalamangan sa kalabang carry na Faceless Void ni Kim “Gabbi” Santos sa pagtatapos ng 22-15 victory sa loob ng 33 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Lamang ang T1 sa Game 2 ngunit nabaligtad ang sitwasyon pagsapit ng 34-minute mark. Bagamat napatay nila si Raven sa Templar Assassin sa isang clash, nailagan naman ng madulas na Puck ni Armel ang Black Hole mula sa Enigma ni Matthew “Whitemon” Filemon.

Sinubukan ng T1 na kuhanin ang Roshan pero dahil may buyback si Raven at down ang Black Hole ni Whitemon, naglakas-loob ang Fnatic na mag-contest at nag-focus sila sa mga kalabang hero. Tinunaw nila ang apat sa T1, ninakaw ang Rosh kill at tuluyang sinelyo ang serye sa pangunguna ni Armel.



Confident ang Fnatic papunta sa Arlington Major, sabi ni Armel

Sasamahan ng Fnatic ang BOOM Esports at Talon Esports bilang mga kinatawan ng SEA sa darating na Arlington Major na gaganapin mula ika-4 hanggang ika-14 ng Agosto sa Texas, USA.

Sa post-match interview, idiniin ni Armel na marami silang natutunan mula sa kanilang 7th-8th place finish sa ESL One Stockholm Major noong Mayo kaya naman malakas ang kanilang loob papunta sa ikalawang Dota 2 Major ng taon.

Armel post-match interview
Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

“We learned a lot. I think we’re not nervous to be honest because we know in ourselves that if we play our game we’re gonna win it all but sometimes we’re just very inconsistent,” ani ng 22-year-old Pinoy star.

Inihayag din ni Armel na bagamat dadalhin nila ang unorthodox playstyle ng SEA, handa umano sila na mag-adapt sa kung anumang meta ang lalabas sa paparating na Major.

“For sure, we’re gonna adapt on the international level. It’s always gonna be a different match. We’re gonna learn from every match that we have. We’re still gonna play our own but for sure we’re gonna adapt on what’s good or not.”


Post-match interview kay Armel


May isa pang natitirang serye sa DPC SEA Tour 3 Division 1, ang tiebreaker para sa first place sa pagitan ng BOOM Esports at Talon Esports na gaganapin sa ika-16 ng Hulyo.

Para sa Dota 2 news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.