Sinunggaban ng OG ang kanilang ikalimang Dota 2 Major championship matapos padapain ang North American team na TSM.FTX sa iskor na 3-1 sa grand finals ng ESL One Stockholm Major 2022.

Sa tulong ng mga nagbabalik na beterano at two-time The International champs na sila Johan “N0tail” Sundstein (nagsilbing coach) at Sebastian “Ceb” Debs (position-5 support), ipinamalas ng mga bagito ng OG ang kanilang bangis sa pamamagitan ng naglalagablab na lower bracket run upang dagdagan ang kampeonato ng maalamat na organisasyon.

Pinalitan muna nila Ceb at N0tail sa naturang torneo sila captain-support Mikhail “Misha” Agatov at coach Evgenii “Chuvash” Makarov, na hindi nakadalo dahil hindi na-aprubahan ang kanilang visa.


OG pinatumba ang TSM.FTX sa ESL One Stockholm Major grand finals

OG
Credit: OG

Galing sa kanilang mainit na takbo sa upper bracket, kinuha ng TSM ang Game 1 sa likod ng Enigma ni former OG standout at ngayo’y position-4 support David “MoonMeander” Tan.

Nahuli ni MoonMeander gamit ang Black Hole ang tatlong papatakas na miyembro ng OG sa isang malaking team fight malapit sa Roshan pit sa 18th minute at mula dito ay dinikta na ng NA squad ang tempo ng laro patungo sa panalo.

Dinomina naman ng Western European powerhouse ang Game 2 para maitabla ang serye sa panguguna ng first-phase pick Storm Spirit ni 17-year-old midlaner Bozhidar “bzm” Bogdanov at tournament signature Windranger ni Ceb.

Naging agresibo ang dalawa sa paghanap ng pickoffs na nagpagana rin sa hyper-aggression ng Night Stalker ni 17-year-old offlaner Ammar “ATF” Al-Assaf at Monkey King ni 20-year-old carry Artem “Yuragi” Golubiev.

Mahigpit naman ang nasaksihang bakbakan sa Game 3 at makailang-ulit na nagpalitan ng net worth advantage ang magkabilaang koponan sa 41 minuto na sagupaan.

Pero nagawang manaig ng OG sa deciding clash kung saan mayroon silang cliff ward na malaki ang naitulong para ma-kite nila ang core heroes ng TSM sa likod ng utility Dragon Knight ni ATF at Snapfire ni position-4 support Tommy “Taiga” Le. Isa-isang na-dieback ang mga miyembro ng NA team at rumekta ang OG sa mid para tapusin ang laban.

Hindi na nagpapigil pa ang OG sa Game 4 at tuluyang sinelyo ang tropeo sa pamamagitan ng 37-4 na pandudurog sa loob ng 33 minuto.

Walang nagawa ang Silencer ni Kim “DuBu” Doo-young para mapigilan ang matinding team fight prowess ng Wester European powerhouse na pinangunahan ng mga bagitong stars na sila ATF (Mars), bzm (Storm Spirit) at Yuragi (Bloodseeker).

Pinantayan ng OG ang record ng Team Secret at VP na limang Major championships at kinuha ang $200,000 top prize maging ang 680 DPC points na nagpalapit sa kanila sa direct invite papunta sa makasaysayang TI11 na gaganapin sa Singapore.

Inuwi naman ng TSM ang $100,000 at 610 DPC points, at ibinandera ang estado ng NA Dota bilang isa sa pinakamalakas sa ikalawang DPC Tour.

Para sa Dota 2 news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang Facebook page ng ONE Esports Philippines.


Hango ito sa artikulo ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.