Nagpamalas ng malupit na performance ang Keeper of the Light ni Armel “Armel” Tabios sa isang crucial na serye ng Fnatic kontra T1 sa Dota Pro Circuit Southeast Asia 2021/2022 Tour 2 Division 1.

Nakasalalay sana sa serye ang pagkakataon nina Carlo “Kuku” Palad na maselyo agad ang ikatlo at huling slot sa ESL Stockholm Major 2022 na nakalaan para sa rehiyon. Pero dahil sa pagpapakitang gilas ng Keeper of the Light ni Armel sa midlane, magkakaroon pa ng tiebreaker para sa ikatlong puwesto.

Mid Keeper of the Light ni Armel, kinontra ang makunat na draft ng T1

Mid Keeper of the Light ni Armel, tampok sa panalo ng Fnatic kontra T1
Credit: Fnatic

Pinili ng Fnatic ang Keeper of the Light para sa kanilang midlaner matapos maglabas ang T1 ng Tiny, Dragon Knight, at Sand King, tatlong melee, strength heroes na gumanap sa mga core roles.

Sa early game, hindi nahirapan si Armel na maungusan sa last hit ang Sand King ni Karl “Karl” Baldovino. Nagka-cast din siya ng Illuminate sa pinakamalapit na neutral camp sa mid lane para ma-maximize ang kanyang farm. Ang resulta, nakabuo ng Boots of Travel at Spirit Vessel ang Keeper of the Light bago pa sumapit ang ika-13 minuto ng laban.



Bukod sa natural na pangontra laban sa mga hero na may mataas na health regeneration ang Spirit Vessel, napahina rin nito ang heal na natatanggap ng T1 mula sa Life Drain ng Pugna ni Matthew “Whitemon” Filemon. Naging susi ito para manalo sa mga team fight ang Fnatic sa early game.

Kahit pa nakuha na ng mga core ng T1 ang kani-kanilang Black King Bar, nahirapan pa rin silang hulihin ang Keeper of the Light ni Armel. Patuloy itong nakakapagbigay ng mataas na damage sa kanyang koponan, dahilan para manaig ang Fnatic sa kanilang unang high ground attempt kahit pa naunang napitas ang Templar Assassin ni Raven “Raven” Fausto.



Bukod sa naunang mga item, bumili rin si Armel ng Linken’s Sphere at Black King Bar para makontra ang banta ng Fiend’s Grip ng Bane ni Kenny “Xepher” Deo o stun initiation mula sa Dragon Knight ni Kuku o Sand King ni Karl.

Bumili rin ng Ethereal Blade si Armel para mas madaling maipatama at mas mapalakas ang damage ng Illuminate. Bilang luxury item, kumuha ang Pinoy ng Octarine Core para mapaiksi ang cooldown ng kanyang mga skill, lalo na ang ultimate nitong Spirit Form.

Matapos ang 39 minutong laban, kumana ang Keeper of the Light ni Armel ng 13 kills, ang pinakamarami sa buong laro. Siya rin ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng damage (48.4k+) at heal (10.5k+), salamat sa Illuminate.


Matapos ang panalo ng Fnatic kontra T1, haharapin naman nila ngayong ang BOOM Esports sa isang tiebreaker para sa unang puwesto. Pareho ngayong may anim na panalo at isang talo ang dalawang koponan.

Gaganapin ang best-of-three tiebreaker sa ika-23 ng Abril, sa ganap na ika-anim ng gabi.

Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Fnatic at BOOM Esports, pasok na sa Stockholm Major 2022