Hindi malabong isang SEA team lang ang direktang makaka-qualify sa The International 11, mula sa 12 slots na inilaan para dito.

Ito ang palagay ng statistician at tanyag na esports personality na si Ben “Noxville” Steenhuisen. Ang pinagbasihan niya ay kung paano pinaghahati-hatian ng mga koponan sa gumugulong na Dota Pro Circuit 2021/2022 SEA ang mga puntos na kailangan para makapasok sa Dota 2 world championship.

Dahil walong serye na lang ang natitira sa ikatlo at huling Tour, at ang dalawa sa tatlong slots na nakalaan sa koponan para sa Arlington Major ay hawak ng Talon Esports at RSG, na parehong mula sa Division II, hindi malabong maubusan ng points ang gaya ng BOOM Esports at T1 para mapabilang sa 12 koponang makaka-directly qualify sa The International 11.



Ang estado ng mga SEA team sa DPC 2021/2022

Baka isang SEA team lang daw ang maka-directly qualify sa The International 11
Credit: ONE Esports

Bago matapos ang Tour 3 ng DPC SEA 2021/2022, Fnatic na lang ang tanging SEA team na nasa Top 12 ng rankings. Naka-upo sila sa ikawalong puwesto na may 820 DPC points, na nalikom mula sa unang dalawang Tour at 7th-8th place finish nila sa ESL One Stockholm Major.

Ang dalawang susunod na SEA team na may mataas na tsansa na maka-directly qualify sa susunod na The International ay BOOM Esports at T1. Nasa ika-13 puwesto ang koponan nina Andrei “skem” Ong na may 622.5 DPC points, habang nasa ika-16 naman sina Carlo “Kuku” Palad, tangan ang 328.3 DPC points.

Paliwanag ni Noxville, sa scenario kung saan 980 points ang kailangan para mapabilang sa Top 12, kailangan daw ay at least makapag-top three ang Fnatic sa Tour 3 para maselyo ang kanilang slot. Champion sa kasalukuyang naman ang dapat para sa BOOM Esports, o ‘di kaya’y at least top three sa tapos top eight sa Arlington Major.

Baka isang SEA team lang daw ang maka-directly qualify sa The International 11
Credit: Valve

Para naman sa T1, kailangan nilang makapagtapos sa loob ng top three sa DPC, at makapag-top eight din sa huling Major ng season.

Tinawag din ni Noxville na ‘stupid’ ang naturang sitwasyon. Tila parusa pa raw kasi ang magkaroon ng mas maraming mahuhusay na koponan sa isang rehiyon dahil sa paraan kung paano nahahati-hati ang DPC points.

“The point of the tweet is sort of that it’s stupid that more regions get diluted points simply for being competitive…” paglilinaw ng statistician.

Nilinaw din ni Noxville na ang ginamit niyang numero ay mula sa average simulated value. Marami pa raw factors ang maaaring makapagpabago dito.

Baka isang SEA team lang daw ang maka-directly qualify sa The International 11
Credit: Wykhrm Reddy

Bukod sa pagkamal ng DPC points, maaari ring makapasok ang koponan sa The International 11 mula sa regional qualifier at last chance qualifier.

Samantala, nakatakda namang iraos ang susunod na Dota 2 world championship sa Oktubre sa Singapore. Tampok dito ang 30 koponan, ang pinakamaraming bilang sa kasaysayan ng turneo.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: YapzOr break muna sa pro Dota 2 para magpagaling; Zayac ipinalit ng Team Secret