Nagtapos ang kampanya ng BOOM Esports sa 7th-8th place sa PGL Arlington Major matapos makalasap ng 1-2 pagkatalo sa kamay ng Entity sa lower bracket round 2.

Naipuwersa ng hari ng Southeast Asia ang do-or-die Game 3 sa likod ng perpektong Storm Spirit ni Pinoy star midlaner Erin Jasper “Yopaj” Ferrer. Subalit hindi nila kinaya ang double offlaner strategy ng Western European squad, na kinuhang stand-in si TSM FTX position-3 player Jonáš “SabeRLight-” Volek.

Sa kabila nito, nasiguro naman na ng BOOM Esports ang kanilang puwesto sa The International 11 nang pabagsakin nila ang Team Liquid para maselyo ang top 8 finish sa huling Dota 2 Major ng season na may gantimpalang 360 Dota Pro Circuit (DPC) points.

Mag-uuwi rin ang pambato ng SEA ng US$$12,500 o mahigit PHP696,000 na premyo.


‘Di kinaya ng BOOM Esports ang double offlaner setup ng Entity

BOOM Esports lumapag sa top 8 ng Arlington Major, natalo sa double offlaner strat ng Entity
Credit: BOOM Esports

Matapos ang comeback win ng Entity sa opening game, sinigurado ng BOOM Esports na hindi na nila bibitawan ang binuo nilang kalamangan sa Game 2 kung saan nagpasabog ang Storm Spirit ni Yopaj.

Sa tulong ng mga initiation ni Pinoy pos-4 support TImothy “TIMS” Randrup (Tiny), pinitas ni Yopaj ang mga kalaban sa iba’t-ibang parte ng mapa. Maagang nakapundar ng Black King Bar ang 20-year-old midlaner at nanguna sa mga clash.



Tumikada si Yopaj ng 10 kills kasama ang 11 assists at hindi namatay sa 26-7 dominasyon sa loob ng 35 minuto. Malaki rin ang impact ng sutain abilities mula kila kapitan Andrei “skem” Ong (Enchantress) at Souliya “JaCkky” Khoomphetsavong sa pagkontra ng damage mula sa mid Batrider, Doom at Zeus ng Entity.

Ngunit pagsapit ng Game 3, gumana ang kakaibang draft at double offlaner strat ng Entity sa pangunguna ng Necrophos ni SabeRLight-. Walang nagawa sa kanya ang Tidehunter ni Saieful “Fbz” Ilham sa lane habang dinomina rin ng Venomancer-Sven combo ang Bristleback-Io duo nila JaCkky at TIMS sa top lane.

Mabilis na-hit ng Entity ang kanilang power spikes kaya naman na-out sustain nila ang BOOM Esports sa mga team fight. Nagsilbi namang tiga-basag ng towers ang mid Visage ni Daniel “Stormstormer” Schoetzau para isara ang 36-minute win.



Umabante ang Entity sa lower bracket ngunit pinatumba sila ng Chinese squad na Team Aster sa iskor na 2-1. Lumapag ang WEU team sa 5th-6th place na may kaakibat na US$25,000 at 515 DPC points.

Wala nang silbi ang DPC points para sa kanila dahil simula pa lang ng torneo ay wala na talaga silang pag-asa na makasungkit ng TI11 direct invite. Gayunpaman, nakakuha pa rin sila ng momentum mula sa Arlington Major patungo sa Regional Qualifiers kung saan haharapin nila ang ilang mabibigat na koponan tulad ng Team Secret, Team Liquid at Nigma Galaxy.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.