Sisimulan ng BOOM Esports ang kanilang kampanya sa playoffs ng Arlington Major sa upper bracket matapos nilang tapusin ang group stage bilang top four ng kanilang pangkat.

Nagtala ng dalawang panalo, tatlong tabla, kontra dalawang talo ang kampeon ng Dota Pro Circuit 2021/2022 Southeast Asia Division 1 Tour 3 kontra mga koponan sa Group B.

Bagamat sapat na ito para maselyo ang kanilang puwesto sa upper bracket ng susunod na tournament phase, makakaharap naman nila ang higante mula sa rehiyon ng China na PSG.LGD.

BOOM Esports at PSG.LGD maghaharap sa unang round ng Arlington Major playoffs

BOOM Esports sasalubungin ng PSG.LGD sa playoffs ng Arlington Major
Credit: BOOM Esports

Matapos ang unang apat na araw ng group stage, tanging PSG.LGD lang ang koponang nakaselyo ng slot sa playoffs sa Group A. Winalis nila ang lahat ng humarap sa kanila, maliban lang sa Soniqs, ang pambato ng North America na dating kilala bilang Quincy Crew.

Bago magsimula ang Arlington Major, kinikilala pa rin ang koponang pinangungunahan ni Zhang “y`” Yiping bilang ang pinakamalakas sa buong mundo. Lalo na’t sila ang itinanghal na kampeon noong Riyadh Masters, isang non-DPC event na dinaluhan ng mga bigating teams mula sa iba’t-ibang rehiyon.

BOOM Esports sasalubungin ng PSG.LGD sa playoffs ng Arlington Major
Credit: ESL

Taliwas naman ito sa katayuan ng BOOM Esports, lalo na’t hindi kasing pulido ang naipapakita nilang resulta sa gumugulong na Major. Bagamat nawalis nila ang Evil Geniuses, Na`Vi at naka-isa kontra defending champions ng The International na Team Spirit, nagtamo naman ang kampeon ng DPC 2021/2022 SEA Division 1 Tour 3 ng talo kontra beastcoast at Entity.

Kung sakali na madaig ng hari ng SEA ang PSG.LGD, maseselyo nila ang pinaka-aasam na imbitasyon sa susunod na The International. Kailangan kasi ng BOOM Esports ng at least top eight finish para madagdagan ang ngayo’y 1,122.5 DPC points nila.



Masisigurado ng panalo kontra kinatawan ng China ang 5th-6th place finish para kina Andrei “skem” Ong, gayun din ang dagdag 515 DPC points at $25,000 (₱1.38+ milyon) na premyo.

Kung hindi papalarin, kailangan naman maipanalo ng BOOM Esports ang una nilang serye sa lower bracket para masiguro ang 7th-8th place finish.

Samantala, nakatakdang iraos ang laban ng BOOM Esports at PSG.LGD sa Martes, ikasiyam ng Agosto, sa ganap na ika-11 ng gabi. Masusubaybayan ang laban sa opisyal na Twitch at YouTube channels ng PGL.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Ember Spirit ni Yopaj tinuldukan ng rampage ang mainit na panalo ng BOOM kontra Na’Vi sa Arlington Major 2022