Nakataya sa PGL Arlington Major 2022 ang huling tsansa ng mga koponan na makapasok sa The International 11 sa pamamagitan ng direct invite na nakapende sa Dota Pro Circuit (DPC) points. Kabilang na sa mga ito ang tatlong pambato ng Southeast Asia na BOOM Esports, Talon Esports at Fnatic.

May kabuuang 4,570 DPC points na nakalaan sa huling Major ng taon ngunit ang top 8 teams lang ang makakakuha ng bahagi sa naturang point pool. Inaasahang magiging napakahigpit ng mga bakbakan dahil magkakadikit lang ang mga kasaling koponan sa DPC 2021-2022 rankings.

Tanging ang PSG.LGD, OG, TSM.FTX at Thunder Awaken pa lang ang nakakaselyo ng direct invite sa TI11 bunga ng kanilang mataas na DPC points at walo pa ang nakatakdang sumunod sa kanila sa pagtatapos ng Arlington Major.

Credit: Wykhrm Reddy

Maliban sa apat na koponang may TI direct invite na at Entity na wala nang pag-asang makatanggap nito, 12 teams pa ang magtatangkang kumubra ng sapat na DPC points upang ‘di na sila dumaan pa sa madugong Regional Qualifiers patungo sa pinakamalaking Dota 2 tournament ng taon na gaganapin sa buwan ng Oktubre sa Singapore.

Ayon sa batikang Dota 2 statistician na si Ben “Noxville” Steenhuisen, ang average DPC point threshold para makasiguro ng direct invite ay 1,080.27 sa oras ng pagkakasulat. Maaari pang magbago ito habang gumugulong ang Major.

May mga koponang kailangan lang makalusot sa top 8 ng Arlington Major ngunit may iba na kailangang mataas ang malapagang pwesto para makakuha ng direct invite. Heto ang kailangang maabot ng SEA teams sa Arlington Major upang direktang makapasok sa TI11.


Resulta na kailangan ng SEA teams sa Arlington Major para makakuha ng TI11 direct invite

BOOM Esports

Credit: BOOM Esports

Kasalukuyang DPC ranking: 8th (1,122.5 DPC points)

Lalong nakalapit sa pagselyo ng direct invite sa TI11 ang BOOM Esports matapos nilang padapain ang Talon Esports sa tiebreaker para mabawi ang trono sa DPC SEA Tour 3 Division 1.

Kailangan lang ng Indonesia-based team na pinagbibidahan ng tatlong Pinoy stars na makapagtala ng top 8 finish upang ma-secure ang kanilang slot sa TI. Makakamit nila ito kung makakapasok sila sa upper bracket playoffs ng Arlington Major at manalo ng isang serye sa unang round. Para makaabante sa upper bracket, kailangan ng BOOM na pumasok sa top 4 ng Group B kung saan makakaharap nila ang Evil Geniuses, Team Spirit, Tundra Esports, Team Aster, Natus Vincere, Entity at beastcoast. Kung hindi naman sila palaring makausad sa upper bracket, isang serye lang din sa lower bracket ang kailangan nilang ipanalo para makuha ang top 8.

At kahit hindi makapasok sa top 8, malaki pa rin naman ang tsansa nila TImothy “TIMS” Randrup at kanyang mga kasamahan na maka-qualify sa TI gamit ang direct invite dahil limang koponan na nasa ilalim nila ang kailangang makapagtala ng top 8 finish sa Arlington Major.


Talon Esports

Credit: Talon Esports

Kasalukuyang DPC ranking: 21st (300 DPC points)

Mula sa Division 2 sa nakaraang Tour, binuhay ng Talon Esports ang kanilang pag-asa na direktang mag-qualify sa TI sa pamamagitan ng runner-up finish sa DPC SEA Tour 3 Division 1. Subalit mataas ang dapat liparin ng Talon sa paparating na Major kung ayaw na nilang dumaan sa Regional Qualifiers.

Kailangan nila star Thai carry Nuengnara “23savage” Teeramahanon at kanyang koponan na maglista ng top 3 finish sa Major para lang magkaroon ng tsansang makatanggap ng direct invite. Maaaring hindi pa ito maging sapat dahil depende pa sa makukuhang resulta ng ibang contenders. At mas mahirap makamit ang pwestong ito lalo pa’t makakasama na sa Major ang Chinese giants kabilang na ang PSG.LGD.

Hindi rin makakatulong sa kanilang malaking misyon ang visa issues na hinarap ng kanilang position-4 support na si Worawit “Q” Mekchai. Gayunpaman, nakakuha sila ng dekalibreng stand-in sa anyo ni Kenny “Xepher” Deo ng T1.


Fnatic

Credit: Fnatic

Kasalukuyang DPC ranking: 10th (1,020 DPC points)

Bagamat kasalukuyang nasa loob pa ng top 12 sa DPC rankings ang Fnatic, malaking balakid ang kailangan nilang malampasan sa Arlington Major para makasungkit ng TI direct invite. Hindi kasi makakadalo ang tatlong Pinoy standouts na sina Armel “Armel” Tabios, Polo “Raven” Fausto at Jaunuel “Jaunuel” Arcilla dahil sa visa issues, at tanging sila Pinoy pos-4 Djardel “Dj” Mampusti at Thai offlaner Anucha “Jabz” Jirawong lang ang nakalipad patungong US.

Tulad sa BOOM Esports, top 8 finish din ang dapat maitala ng Fnatic sa Arlington Major para masiguro ang direct invite. Bagamat pinayagan silang maglaro kasama ang tatlong substitue players, kakailanganin pa rin nilang mag-gel at bumuo ng chemistry sa maiksing panahon upang makipagsabayan sa matinik na Group A na tinatampok ang PSG.LGD, OG, Royal Never Give Up, Outsiders, Team Liquid, Talon Esports, Soniqs (dating Quincy Crew) at Thunder Awaken.

Usap-usapan na magsisilbing stand-in ang TSM.FTX players na sina carry Enzo “Timado” O’Connor, midlaner Jonathan “Bryle” Guia at hard support Kim “DuBu” Doo-young, na dating miyembro ng Fnatic. Wala pang opisyal na anunsyo patungkol dito, pero kung totoo nga ito, kahit papaano ay magandang balita ito para sa Fnatic fans dahil kumana ng runner-up finish ang TSM sa nakaraang Major.

(Update: Opisyal nang inanunsyo ng Fnatic na maglalaro bilang stand-in sina Timado, Bryle at DuBu para sa Arlington Major.)


Pwede niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook upang masubaybayan ang mga kaganapan sa PGL Arlington Major 2022.