Bigong makakuha ng US Visa ang tatlong miyembro ng Fnatic para makadalo sa huling Major tournament ng Dota Pro Circuit 2021/2022, ang Arlington Major.

Ito ang inanunsyo ng koponan Martes ng gabi, higit isang linggo bago magsimula ang turneo. Tanging sina Djardel “DJ” Mampusti at Anucha “Jabz” Jirawong lang ang mga manlalaro mula sa koponan ang nakakuha ng visa, kaya’t kakailanganin ng Fnatic na maglaro nang may tatlong substitutes.

Fnatic sasabak pa rin sa Arlington Major kasama ang tatlong subs

Dahil sa visa issue, sina DJ at Jabz lang ang maipapadala ng Fnatic para sa Arlington Major
Credit: Fnatic

Kadalasan ay hindi pinapayagang magkaroon ng higit sa dalawang substitute ang isang koponan, lalo na sa mga Valve-sanctioned events.

Pero dahil sa naturang sitwasyon, inanunsyo ng PGL, ang organizer ng Arlington Major, na maaari pa ring makasali ang kinatawan ng Southeast Asia sa turneo, kahit na may tatlong subs.



Kinlaro rin ni Pao Bago, ang team director Fnatic, na hindi rin mababawasan ang naipon na nilang 1020 DPC points dahil sa paggamit ng mga subs sa naturang turneo. Importante ang bawat puntos para sa koponan dahil isa sila sa mga inaasahang makaka-directly qualify sa The International 11 na gaganapin sa Singapore.

Pinasalamatan naman ng Fnatic ang Valve at PGL sa suportang ibinigay nito. Ibinahagi rin ng organisasyon na iaanunsyo nila kung sino-sino ang mga manlalarong pupuno sa puwang na maiiwan nina Marc Polo “Raven” Fausto, Armel “Armel” Tabios, at Jaunuel “Jaunuel” Arcilla.

Hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng problema ang mga koponan mula sa SEA na makakuha ng visa para makadalo sa isang international tournament. Matatandaang noong nakaraang taon, hindi nakakuha ng visa ang Valorant team ng Bren Esports para makasali sa Masters Berlin.


Dahil sa visa issue, sina DJ at Jabz lang ang maipapadala ng Fnatic para sa Arlington Major
Credit: BOOM Esports

Samantala, kinumpirma naman ni Timothy “TIMS” Randrup sa isang tweet na tagumpay na nakakuha ang lahat ng mga miyembro ng BOOM Esports ng kani-kanilang mga visa para sa Arlington Major.

Nakatakda pang ianunsyo ng Talon Esports, ang ikatlong koponang magrerepresenta sa rehiyon, ang estado ng kanilang US visa application.

Idaraos ang Arlington Major simula sa ika-apat hanggang ika-14 ng Agosto. Paglalaban-labanan ng 18 sa pinakamalalakas na koponan sa buong mundo ang US $500,000 na prize pool at 4,570 na DPC points.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Resolut1on sinabing ‘mentally challenging’ ang pub games sa SEA server