Talamak ang toxicity at kakaibang playstyle ng mga manlalaro sa mga pub games sa Southeast Asia server ng Dota 2. Maging ang beteranong pro player na si Roman “Resolut1on” Fomynok ay hindi nakaligtas mula dito.

Inilahad ni Resolut1on, na nagsisilbing mahusay na stand-in offlaner ngayon para sa Team Secret sa Riyadh Masters 2022, ang kanyang masalimuot na karanasan sa pinaka-notorious na server ng laro.


Inilarawan ni Resolut1on ang kanyang karanasan sa paglalaro sa SEA server

Sa winners’ interview matapos walisin ng Team Secret ang Tundra Esports sa iskor na 2-0 sa kanilang unang serye sa Riyadh Masters, bakas ang saya sa mukha ni Resolut1on sa kanyang pagbabalik sa competitive Dota mula sa halos isang taon na pahinga.

“It’s been a while. It’s been like one year for me. I also took a break from Dota,” wika ng 25-year-old player na nagdesisyong magpahinga muna sa pagtatapos ng Dota Pro Circuit (DPC) 2021 season dahil umano sa professional burnout.

Resolut1on kasama ang Team Secret sa Riyadh Masters
Credit: Gamers8 Esports

Lalong natuwa ang Ukrainian pro dahil nakakapaglaro ulit siya sa isang LAN setting kasama ang isang koponan, na malayong-malayo sa kanyang paglalawaran sa naging karanasan niya sa mga pub games sa SEA server.

“It feels so good to play on a LAN and to play with the team ’cause I’ve been in the SEA for like half a year almost, and those pub games they are not like a great place to be,” patawang sabi ni Resolut1on, na nagsisilbing stand-in kay Singaporean offlaner Daryl “iceiceice” Koh Pei Xiang.

“Those pubs are like mentally challenging,” dagdag pa ng former carry ng The International 6 runner-up na Digital Chaos. “And here with the actually good players, to be part of the team and blend in, like everybody understands what to do and plays like a unit, it’s just such a nice feeling.”



At sa kanyang pagbabalik sa competitive Dota, maganda ang ipinapakitang performance ni Resolut1on. Malaki ang kanyang ambag sa perpektong 3-0 start ng Team Secret matapos nilang i-sweep ang kasalukuyang top team ng DPC Western Europe na Tundra Esports, T10 second-placer na PSG.LGD at GWB Saudi Arabia qualifier na Deboosters sa Group B.

Sa Game 1 nga, pinugo ng Dawnbreaker-Techies combo nila Resolut1on at position-4 support Baqyt “Zayac” Emiljanov ang Alchemist ni LGD carry Wang “Ame” Chunyu. Nagtala si Reso ng malinis na 12-0-14 kill-death-assist record sa 26-minute win kung saan pumukol ang European team ng 44 kills kontra sa 9 kills ng Chinese squad.



Haharapin pa ng Team Secret ang reigning TI champion na Team Spirit sa group stage at isang game win lang kakailanganin nila para maselyo ang semifinal spot at 3rd-4th finish na may kalakip na premyong US$425,000 (mahigit PHP23 milyon) mula sa nakakalulang US$4 milyon (halos PHP225 milyon) na prize pool ng 5-day tournament.

Para sa Dota 2 news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.