Hindi nag-register para sa susunod na Dota Pro Circuit season ang tanyag na Chinese support player na si Xu “fy” Linsen dahil nais daw muna nitong magpahinga.

Sa isang post sa kanyang opisyal na account sa Weibo, isang social media site sa China, ipinabatid ni fy na may problema sa kanyang pangangatawan.

Marahil ay nais muna pagtuunan ng pansin ng manlalaro ang kanyang kalusugan kaya’t hindi muna ito sasabak sa unang Tour ng Dota Pro Circuit na magsisimula ngayong katapusan ng Nobyembre.

Bago mag-break, ang huling layag ni Fy sa pro Dota 2 scene ay bilang manlalaro ng Elephant, ang ngayo’y disbanded nang Chinese team na pinangunahan ni Lu “Somnus丶M” Yao.

Bagamat binansagang ‘super team’, malamang ay dahil sa bigat ng mga pangalang bumubuo nito, hindi naging matagumpay ang koponan noong nakaraang season at nagtapos lang sa 13th-16th place ang kanilang kampanya sa The International 2021.

Credit: Valve

Bagamat nakahanap na ng iba’t-ibang koponan ang mga dati niyang kakampi dito para sa bagong DPC League, mas pinili na lang muna ni Fy na magpahinga.


Ang mga nakamit ni Fy sa pro Dota 2 scene

Ang mga nakamit ni Fy sa pro Dota 2 scene
Credit: Valve

Naunang nakilala si Fy dahil sa husay niya sa paggamit ng Rubick. Sinimulan niya ang kanyang karera sa Vici Gaming, kung saan natulungan niya ang koponang makakamit ng ikalawang puwesto sa The International 2014.

Namayagpag din ang manlalaro sa PSG.LGD. Natulungan niya ang koponan na sumelyo ng kaliwa’t-kanang kampeonato, kabilang na ang sa sa EPICENTER XL, isang Major tournament noong 2018, kung saan hinirang din siya bilang MVP.

Credit: EPICENTER

Sumelyo muli ng second-place finish si Fy noong parehong taon sa ikawalong Dota 2 world championship, at ikatlong puwesto naman noong sumunod na taon.

Bagamat ilang ulit nang nakalapit at hindi mawala sa mga usapan ukol sa pinakamagagaling na support players, nanatiling mailap ang Aegis of Champion para kay Fy.

Sa ngayon, wala pang anunsyo ukol sa pagbabalik ni Fy sa pro Dota 2 scene.

BASAHIN: JerAx nagbalik sa Dota 2 pro play, sumali sa Evil Geniuses