Lumabas sa kanyang retirement ang tinitingalang support player na si Jesse “JerAx” Vainikka at sumapi sa Evil Geniuses para sa papalapit na Dota Pro Circuit 2021/22 season.

Pinatotohanan ng North American Dota 2 powerhouse team ang mga bali-balita sa pamamagitan ng pagkuha sa dating position-4 star ng OG kasabay ng pag-sign kay ex-Virtus.pro carry Egor “Nightfall” Grigorenko para kumpletuhin ang kanilang roster.

“I wouldn’t be competing in Dota if I wouldn’t set the expectation for the team to be one of the best,” sabi ni JerAx sa kanyang pagpasok sa Evil Geniuses.

Dinagdag ng EG sila JerAx at Nightfall sa kanilang lineup matapos ang paglipat nila captain-support Tal “Fly” Aizik sa Talon Esports at offlaner Daryl “iceiceice” Koh Pei Xiang sa Team Secret.


OG ibinahagi ang saloobin sa pagsali ni JerAx sa EG

JerAx
Credit: Valve

Sa isang tweet, sinabi ng CEO ng OG na si JMR Luna na nakausap nila si JerAx tungkol sa kanyang pagbabalik sa Dota 2 pro play at tuluyang pagsapi sa Evil Geniuses.

Ani niya, buo ang suporta nila sa naging desisyon ng kanilang dating player at hiling nila ang kanyang pagtatagumpay sa pagbabalik niya sa competitive scene.

Credit: JMR Luna

Halos apat na taon naglaro si JerAx para sa OG. At sa kanyang karera kasama ang koponan mula 2016 hanggang 2020, nanalo sila ng dalawang Major (Boston at Kiev) bago sungkitin ang back-to-back The International championships noong 2018 at 2019.


JerAx maglalaro bilang position-5 support para sa EG

Credit: Evil Geniuses

Matatandaang nag-anunsyo ng kanyang pagretiro sa competitive Dota 2 ang two-time TI winner na si JerAx noong nakaraang taon dahil ika niya, “I have no willingness nor passion to play Dota 2 anymore.”

Pero tila bumalik na ang uhaw ng 29-year-old Finnish player sa pagsabak sa pro play. Ayun nga lang, hindi siya maglalaro para sa dati niyang koponan na OG at hindi rin bibida bilang position-4.

Sa halip ay magsisilbing hard support si JerAx para sa EG, na susubukang bumangon mula sa kanilang nakakadismayang 9th-12th place finish sa TI10.

Samantala, lilipat mula sa carry patungo sa offlane role si Nightfall na tinulungan ang VP na makamit ang 5th-6th placing sa nakalipas na TI.

Nanatili naman sa sikat na NA esports organization sila Pinoy midlaner Abed “Abed” Yusop, Artour “Arteezy” Babaev at Andreas “Cr1t-” Nielsen.

Kumpletong roster ng Evil Geniuses para sa DPC 2021/22

Credit: Evil Geniuses

1 – Artour “Arteezy” Babaev

2 – Abed “Abed” Yusop

3 – Egor “Nightfall” Grigorenko

4 – Andreas “Cr1t-” Nielsen

5 – Jesse “JerAx” Vainikka

Sasabak sila JerAx at ang Evil Geniuses sa DPC 2021/22 Tour 1 North America Division 1 kung saan may nakalaan na dalawang slot sa unang Major ng bagong season at prize pool na US$205,000.

Makakalaban nila ang Quincy Crew, Team Undying, 4 Zoomers, Simply TOOBASED, Black N Yellow, D2 Hustlers at Arkosh Gaming sa torneo na gaganapin mula ika-30 ng Nobyembre, 2021 hanggang ika-22 ng Enero, 2022.