Sa hindi inaasahang pangyayari, nilaglag ng Vici Gaming ang isa sa mga tournament favorite na Evil Geniuses sa The International 10 matapos manaig sa iskor na 2-1 sa kanilang Main Event Lower Bracket Round 2 match.

Isa itong series comeback win para sa beteranong Chinese organization para pauwiin ang top DPC team at huling pag-asa ng North America sa pinakamalaking Dota 2 event sa loob ng dalawang taon.


Ember Spirit ni Abed inorkestra ang perpektong laro ng EG sa Game 1

Credit: Beyond The Summit, DeviantArt

Dinikta ng Ember Spirit ni Pinoy star midlaner Abed “Abed” Yusop ang nagbabagang tempo ng Evil Geniuses katulong si Andreas Franck “Cr1t-” Nielsen sa Skywrath Mage sa Game 1.

Sa panguguna nila Abed at Cr1t-, itinala ng EG ang pinakamabilis na panalo sa TI10 Main Event sa ngayon–19-5 sa loob lamang ng 22 minuto–at sinelyo ito sa pamamagitan ng isang team wipe.

Tumikada ang 21-year-old Pinoy pro ng perpektong record na six kills at nine assists habang si Cr1t- ay kumolekta ng seven assists na karamihan ay mula sa magandang setup niya sa kalabang Storm Spirit gamit ang silence ng Ancient Seal.


Vici Gaming pumuso sa Game 2

Credit: Valve

Liyamado ang Evil Geniuses sa halos kabuuan ng Game 2 at napipisil nang walisin ang Vici Gaming sa serye. Pero hindi basta pinanghinaan ng loob ang pambato ng China at nagpakita ng puso sa laban.

Back-and-forth ang naging bakbakan sa late game at isang malupit na play mula kay veteran offlaner Ren “old eLeVeN” Yangwei sa kanyang Magnus ang nagdikta ng resulta ng laro.

Nahuli ni old eLeVeN ang nagja-jungle na si Artour “Arteezy” Babaev sa Razor gamit ang Horn Toss at Skewer sabay nag-all-in ang Vici Gaming para tanggalin ang kanyang Aegis of Immortal at ipwersa ang dieback.

Siniguro muna ng VG ang mega creeps bago tuluyang tapusin ang 57-minute comeback para dalhin ang serye sa isang win-or-go home Game 3.


Vici Gaming pinauwi ang Evil Geniuses para sa pinakamalaking upset sa TI10 sa ngayon

Ori - Vici Gaming pinauwi ang Evil Geniuses
Credit: Valve

Katulad sa Game 2, lamang na naman ang Evil Geniuses sa simula ng do-or-die game pero hindi nagpatinag ang Vici Gaming.

Pinarusahan ng VG ang pag-aasim ng EG sa top lane kung saan pinilit nilang kuhain ang Radiant barracks.

Dito na nagsimula ang dahan-dahang pagbagsak ng hari ng North American Dota sa kamay ng Chinese squad. Unti-unting napundar ng Spectre ni Yang “poyoyo” Shaohan, Void Spirit ni Zeng “Ori” Jiaoyang at Lycan ni old eLeVen ang kanilang core items habang ang position-4 Monkey King ni Xiong “Pyw” Jiahan ay nag-transition na rin sa pagkuha ng Desolator.

Sa bandang 36 minuto ng laro, nanaig ang Vici Gaming sa pampanalong clash kung saan pinuksa nila ang apat sa EG at si Abed sa kanyang Storm Spirit na lang ang natira.

Rumekta na sila old eLeVen at kanyang mga kasamahan sa base ng EG at sinelyo ang pinakamalaking upset sa ngayon sa TI10.


Nagtapos ang Evil Geniuses sa 9th-12th place, ang pinakamamabang placing nito magmula noong TI7. Iuuwi ng North American team ang US$800,400 o mahigit PHP40 milyon.

Samantala, umabante naman sa lower bracket ang Vici Gaming at siniguro ang 7th-8th finish na may $1,000,500 o lagpas sa PHP50 milyon na papremyo. Sunod nilang makakabanggaan ang huling kinatawan ng Southeast Asia na T1 bukas sa ganap na ika-6 ng gabi.

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa kanilang TwitchYouTube at Facebook platforms. Masusubaybayan din ang mga pangyayari sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.