Tagumpay ang T1 sa unang elimination match nila sa The International 10 Main Event matapos walisin ang Alliance para maselyo ang top eight finish.

Base sa pinakita nilang performance, tila hindi alintana ng natitirang pambato ng Southeast Asia ang pagkatalo nila kontra PSG.LGD kagabi. Higit isang oras lang kasi ang kanilang kinailangan para tapusin ang kampanya ng nasabing European team.

1-hit-delete ni 23savage, tampok sa unang mapa

1-hit-delete ni 23savage, tampok sa unang mapa
Credit: WePlay Esports

Mabagal nagsimula ang unang mapa ng best-of-three. Walang koponan ang nakahawak nang mahigpit sa kalamangan noong early game, pero nagbago ito bandang 18 minuto ng bakbakan,matapos manaig sa isang team fight ang T1.

Bagamat naging maingat ang Alliance pumili sa mga gerang kanilang lalabanan, wala pa rin silang naging sagot sa matabang Wraith King ni Nuengnara “23savage” Teeramahanon. Kaya kasi nito puminit support sa isang hampas lang.

Nakahinga nang bahagya ang Alliance nang mataboy nila ang unang subok ng T1 na umakyat sa kanilang high ground, pero bigo na sila sa sumunod. Naging mitsa ang pagkakapitas sa Sand King ni Gustav “s4” Magnusson para isuko ang unang mapa matapos ang 37 minuto.

Nagsanib-puwersa ang nasabing Wraith King at Lina ni Karl “Karl” Baldovino para makapagtala ng 26 kills. Game-high 83% kill participation naman ang ambag ng Indonesian star na si Kenny “Xepher” Deo, matapos tumikada ang kanyang Dawnbreaker ng 26 assists at tatlong kills.

Ember Spirit ni Karl, nagliyab; T1 nilaglag ang Alliance

T1 nilaglag ang Alliance
Credit: Valve

Taliwas sa unang mapa, ma-aksyon ang naging simula ng ikalawa at huling mapa ng serye. Maaga kasing nagbalugbugan ang Ember Spirit ng Pinoy midlaner at Void Spirit ni Linus “Limmp” Blomdin.

Pwera nga lang dito, wala nang nag-iba sa takbo ng laro. Muling nangibabaw ang kinatawan ng SEA matapos maubos ang lahat ng miyembro ng kanilang kalaban nang walang namamatay mula sa kanilang hanay.

Naging exhibition na lang ng chemistry at team fight prowess ng T1 ang mga sumunod na tagpo. Dahil na rin sa taglay na kakayahan ng kanilang heroes, madaling nakapag-snowball ang mga ito at napigilan ang pumopormang Medusa ni Nikolay “Nikobaby” Nikolov.

Sinelyo ng isang team fight bandang 33 minuto ng bakbakan ang panalo ng T1. Sinubukan ng Alliance na ipain ang Medusa, pero alam ni Karl ang kanilang balak kaya’t tumalon ito sa likod ng kalabang carry.

18 kills at assists, kontra dalawang deaths, ang naitala ng Pinoy na first-timer sa The International. Game-high 31 assists naman ang ambag ng Treant Protector ni Xepher.


Itutuloy ng natitirang SEA team ang kanilang kampanya sa lower bracket ng TI10 Main Event bukas, ika-15 ng Oktubre. Haharapin nila ang mananalo sa pagitan ng Vici Gaming at Evil Geniuses sa ganap na ika-anim ng gabi.

Credit: ONE Esports

Mapapanood ang opisyal na Filipino broadcast ng The International 10, hatid ng LuponWXC, sa kanilang TwitchYouTube at Facebook platforms. 

Masusubaybayan din ang mga pangyayari sa TI10 sa pamamagitan ng pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.

Gutom ka pa ba sa Dota 2 action? Panoorin ang Heroes of the Game documentary hatid ng foodpanda.

BASAHIN: T1 superstars Faker at Kuku chini-cheer ang isa’t-isa sa Worlds 2021 at TI10