Ambisyon ng mga Dota 2 pro player ang makatungtong sa The International (TI), ang pinakamalaking torneo ng naturang esports title at isa sa pinakasikat na kompetisyon sa esports na laging binabasag ang record para sa pinakamalaking prize pool sa kasaysayan ng nasabing larangan.

Para makapasok dito, ang mga koponan sa iba’t-ibang rehiyon ay naglalaban-laban sa isang serye ng Valve-sponsored tournaments na kung tawagin ay Dota Pro Circuit (DPC). Bukod sa prize money, nakataya rin sa mga torneong ito ang DPC points na kailangan para makakuha ng direct invite sa TI.


Ano ang Dota Pro Circuit at paano ito tumatakbo

Dota Pro Circuit
Credit: Valve

Bago magkaroon ng Dota Pro Circuit o DPC, direktang iniimbitahan ng game developer na Valve ang mga koponan na kasali sa taunang The International at kadalasan ay walang paliwanag kung paano at bakit naiimbitahan ang isang koponan.

Kaya naman isinagawa ang Dota Pro Circuit na isang konkretong paraan para opisyal na i-rank ang mga koponan sa pamamagitan ng makukuha nilang DPC points. Isinulong ito noong 2017 at nagkaroon ng iba’t-ibang format sa mga taong nagdaan.

Simula 2021, nagkaroon na naman ng panibagong format na dulot ng epekto ng COVID-19 pandemic. Ipinalit ng Valve ang mga Regional Leagues sa mga Minors. Ang mga koponan mula sa anim na rehiyon–Southeast Asia, China, Western Europe, Eastern Europe, North America at South America–ay magbabakbakan sa kanilang Regional League sa loob ng isang taon.

Dota Pro Circuit
Credit: Valve

Sa gumugulong na Dota Pro Circuit 2021-2022 season, mayroong tatlong Tour at bawat isa ay binubuo ng regional league na nagtatapos sa isang Dota 2 Major. Ang bawat regional league ay binubuo ng tig-walong koponan sa Division 1 at Division 2 na may promotion at relegation system.

Sa pagtatapos ng anim na linggong sagupaan sa isang regional league, ang bottom two teams mula sa Division 1 ay mare-relagate sa Division 2 habang ang top two sa Division 2 ay mapo-promote sa Division 1. Ang bottom two naman sa Division 2 ay matatanggal sa liga at ang iiwan nilang slots ay pupunuin ng dalawang koponan na magwawagi sa Open Qualifiers.

Samantala, ang top four teams sa Division 1 ng bawat rehiyon ay maiimbitahan sa Major. Pinaglalabanan sa mga Major ang mas malaking prize money at DPC points.

Sa kasamaang palad, ang unang Major ng 2021-2022 season, ang Winter Major, ay nakansela dahil sa bantang dala ng mga bagong strains COVID-19. Ang Major naman ng tumatakbong ikalawang Tour (Spring Tour) ay nakatakdang ganapin sa Mayo sa Stockholm, Sweden.

Credit: ESL

Ayon sa Dota Pro Circuit 2021-2022 season, ang 12 koponan na may pinakamaraming DPC points sa pagtatapos ng tatlong Tour ay maiimbitahan sa The International 11.

Pagkatapos kumpirmahin ang 12 teams na pasok sa pinaka-prestihiyosong Dota 2 tournament, magsasagawa ng last-chance qualifier sa bawat rehiyon na sasalihan ng mga natitirang koponan sa regional league. Ang mananalo sa bawat qualifier ay makakakuha ng tiket patungong TI11.

Ngayong taon, may karagdagang Wildcard event na lalaruin. Ang second at third place finishers sa bawat qualifier ay maglalaban-laban para sa dalawa pang slots sa TI kaya naman ang ika-11 edisyon ng nasabing kompetisyon ay magtatampok ng 20 koponan.

Credit: Valve

Para sa iba pang detalye patungkol sa Dota Pro Circuit 2021-2022, bisitahin ang opisyal na website ng Dota 2.


Hango ito sa artikulo ni Dexter Tan Guan Hao ng ONE Esports.