May magaganap nang DPC Regional Finals bilang pamalit ng Valve sa kinanselang Major tournament.

Matapos umanong makipag-ugnayan sa mga koponan at tournament organizers, napagkasunduan nilang magdaos ng anim na Regional Finals para sa bawat rehiyong tampok sa gumugulong na Dota Pro Circuit 2021-2022.

Overview ng DPC Regional Finals

Credit: Valve

Nakatakdang ganapin ang DPC Regional Finals sa loob ng dalawang weekends. Tatlong rehiyon ang maglalaro simula sa ika-11 hanggang sa ika-13 ng Pebrero, habang ang natitirang tatlo naman ay magbabakbakan simula sa ika-18 ng Pebrero hanggang sa ika-20.

Tampok sa DPC Regional Finals ang top four teams mula sa bawat rehiyon. Paglalaban-labanan nila sa double-elimination na turneo ang pinakamalaking bahagi ng $100,000, o higit ₱5,000,000, na prize pool at 380 DPC points.

Schedule ng DPC Regional Finals

  • Feb 11-13, 2022: Western Europe, Southeast Asia, South America
  • Feb 18-20, 2022: China, Eastern Europe, North America

Prize pool at point distrubtion ng DPC Regional Finals

  • 1st place: $50,000 USD (₱2,500,000+) + 250 DPC points
  • 2nd place $25,000 USD (₱1,200,000+) + 130 DPC points
  • 3rd place: $15,000 USD (₱700,000+)
  • 4th place: $10,000 USD (₱500,000+)

Magbibigay din daw ng karagdagang impormasyaon tungkol sa DPC Regional Finals ang bawat tournament organizer ng mga rehiyon.

Dahil makakalikom ang bawat rehiyon ng pare-parehong puntos para maka-qualify sa The International, iniba rin ng Valve ang magiging format ng qualifiers para sa susunod na Dota 2 world championship.

Valve, humingi ng paumanhin sa naunang desisyon

DPC Regional Finals, ipapalit ng Valve sa kinanselang Dota 2 Major tournament
Credit: Valve

Kaakibat ng paglahad nila DPC 2021-2022 Regional Finals ang paliwanag ukol sa pagkansela sa nasabing Major at paghingi ng paumanhin.

Matatandaang kinansela nila ang unang Major ng kasalukuyang season dahil sa banta ng COVID-19 nang hindi nagbibigay ng alternatibong solusyon na sasagot sa pagkawala ng prize pool at DPC points.

Ayon sa kanila, hindi na raw aakma sa schedule kung magsasagawa pa ng LAN at wala ring alternatibong paraan ang makapagdudulot ng positibong kalalabasan.

Pero matapos umano makinig sa mga hinanaing ng teams at fans, napagtanto nilang naging mali ang kanilang prayoridad.

“… We were not successful at being mindful of players participating in the DPC. This was a big mistake on our part. We are sorry and we are set on making it right,” sulat ng Valve.

(Hindi kami naging matagumpay sa pag-alala sa mga players na kasali sa DPC. Ito ay malaking pagkakamali mula sa amin. Humihingi kami ng kapatawaran at nais naming itama ang aming pagkakamali.)

Nakipag-ugnayan daw sila sa mga teams at tournament organizer para mabuo ang DPC Regional Finals.

Mababasa ang buong statement ng Valve dito.

BASAHIN: Bokya noong TI10, Thunder Predator bumawi sa pamamagitan ng tagumpay sa DPC Winter Tour