Matapos lang ang isang Dota Pro Circuit (DPC) Tour, nilisan na ni Malaysian offlaner Lee “X1aOyU” Qian Yu ang TNC Predator.
Sa isang social media post nitong Huwebes ng gabi, pinasalamatan ng TNC si X1aOyU para sa mga naging kontribusyon niya sa koponan sa kanilang masalimuot na kampanya sa DPC Winter Tour Southeast Asia Division 1 at iba pang torneo.

“Today, we would like to formally announce that Lee Qian Yu (X1aOyU) will be leaving TNC Pro Team Dota 2. We thank X1aOyU for his great contributions to the team both inside and outside of the game since he joined the organization. He showed great potential and played a massive part being an offlaner in helping the team put up a fight during the DPC Season,” saad ng organisasyon.
(Ngayong araw ay pormal naming inaanunsyo na aalis na si Lee “X1aOyU” Qian Yu sa TNC Pro Team Dota 2. Nagpapasalamat kami kay X1aOyU para sa mga ambag niya sa koponan sa loob o sa labas man ng laro mula noong sumali siya sa aming organisasyon. Nagpakita siya ng malaking potensyal at bilang offlaner ay natulungan niya ang koponan na lumaban sa DPC Season.)
“While our time with X1aOyU was short, the team wishes him well towards his future endeavors (Bagamat maiksi lang ang oras na kasama namin si X1aOyU, hiling namin na mapabuti ang susunod niyang hakbang sa kanyang karera),” dagdag pa nito.
Ang karera ni X1aOyU kasama ang TNC Predator

Kabilang si X1aOyU sa panibagong roster na inanunsyo ng TNC Predator para sa DPC Winter Tour Southeast Asia Division 1.
Hindi maganda ang naging panimula ng koponan na pinangungunahan ng beteranong South Korean support na si Kim “Febby” Yong-Min matapos nilang matalo sa OB Esports x Neon sa isang showmatch. Nagtapos rin sila sa 5th-6th place sa eight-team Mineski Masters na nagsilbing warm-up para sa DPC Regional League.
Bagamat nagpakita ng ilang “flashes of brilliance” ang 20-year-old offlaner sa kanyang Legion Commander at Tidehunter, hindi ito naging sapat para maisalba ang TNC mula sa pagkalaglag patungong Division 2 sa susunod na Tour.
Nagawang putulin ng TNC ang kanilang five-series, 10-game losing streak matapos nilang walisin ang OB.Neon para buhayin ang kanilang pag-asa na manatili sa Division 1 kung saan pinaglalabanan ang mga slot ng rehiyon sa Dota 2 Major.
Ngunit nakalasap sila ng 1-2 pagkatalo sa Team SMG na tuluyang nagpabagsak sa kanila sa Division 2. Nagtapos ang TNC sa ikawalo o huling pwesto sa Division 1 na may 1-6 series win-loss record at 3-12 game record.
Bumagsak rin sa last place ang TNC Predator sa Huya Winter Invitational na ginanap bago magpatuloy ang SEA Winter Tour matapos ang holiday break.
Sa ngayon, free agent na ang dating player ng Vici Gaming.Potential na si X1aOyU at wala pang balita kung saang koponan siya sunod na maglalaro.
Dota 2 roster ng TNC Predator sa kasalukuyan
- Levi “YoungGod” Lagaret
- Yuri Dave “Yowe” Pacaña
- Prieme Ejay “PlayHard” Banquil
- Kim “Febby” Yong-Min
Manatiling nakatutok sa Dota 2 roster shuffle sa pamamagitan ng pag-like at pag-follow sa Facebook page ng ONE Esports Philippines.