Ipinakilala ng Polaris Esports ang batikang manlalaro na si Nico “eyyou” Barcelon bilang ang bagong coach ng koponang mula sa Division 1 ng gumugulong na Dota Pro Circuit Southeast Asia Tour 3.

Ayon sa anunsyo ng all-Filipino Dota 2 team, ito ang unang beses na makikipagbakbakan sila na may nakaalalay na coach. Matatandaang natatag ang Polaris Esports noong nakaraang taon, mula sa mga miyembro ng na-disband nang Team Adroit.

“With his vast experience, knowledge, and leadership we aim to move forward, climb higher, and go above our current and present challenges,” sulat ng koponan nang ipakilala ang bago nilang coach.

Ang karanasan ni eyyou bilang Dota 2 player

Dota 2 veteran eyyou, kinuhang coach ng Polaris Esports
Credit: Polaris Esports

Kung experience, knowledge, at leadership lang din naman ang pag-uusapan, hindi magkakamli ang Polaris Esports sa kanilang piniling coach.

Matagal kasing nagsilbi si eyyou bilang kapitan ng TNC Pro Team sa mga pinakamatagumpay nilang kampanya, gaya noong nilaglag nila ang OG sa The International 2016 para maitala ang tinaguriang pinakamalaking-upset sa kasaysayan ng turneo at noong muli nilang i-uwi ang kampeonato mula sa World Electronic Sports Games 2018.



Noong 2019 huling nakapaglaro sa isang Valve-sanctioned tournament ang batikang Pinoy matapos maging kinatawan ng SEA ang TNC Pro Team sa taunang Dota 2 world championship. Nauwi sa 9th-12th place ang kanilang kampanya noon matapos mabigo kontra Team Liquid sa ikalawang round ng lower bracket.


Dota 2 veteran eyyou, kinuhang coach ng Polaris Esports
Credit: Polaris Esports

Mahalaga ang pagpasok ni eyyou sa Polaris Esports lalo na’t namamalagi ang koponan sa ilalim ng standings matapos ang unang dalawang linggo ng DPC 2022 SEA Division 1 Tour 3.

Nakasalalay sa ginaganap na palakasan ang natitirang pag-asa ng mga koponan na maka-qualify sa Arlington Major, ang huling Major tournament ng season, at maging isa sa 30 koponang makakapaglaro sa The International 2022.

Samantala, susubukan namang iselyo ng Polaris Esports ang una nilang panalo sa kasalukuyang Tour kontra BOOM Esports sa ika-29 ng Hunyo.


Para sa karagdagang balita sa esports at guides sa mga paborito niyong laro, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Karl kumana ng quadruple rampage sa unang panalo ng T1 sa DPC SEA Tour 3