Nagpasiklab si Pinoy midlaner Karl Matthew “Karl” Baldovino nang walisin ng T1 ang Nigma Galaxy SEA para sa kanilang unang panalo sa Dota Pro Circuit (DPC) Tour 3 Southeast Asia Division 1.

Naghalimaw ang Tiny ni Karl sa Game 2 at madiing tinuldukan ang napakadominanteng laro ng The International 10 Top 8 finisher sa serye.

Nakabawi rin ang T1 mula sa nakakagulat nilang 1-2 pagkatalo sa kamay ng Division 1 newcomer na RSG sa kanilang unang laban noong nakaraang linggo.


Tiny ni Karl nagtala ng quadruple rampage kontra Nigma Galaxy SEA

Karl
Credit: Valve

Galing sa nakakadismayang talo sa RSG SG, gigil na gigil ang T1 na makabawi at sungkitin ang kanilang breakthrough win sa DPC SEA Tour 3 Division 1 kaya naman Game 1 pa lang ay mainit agad ang koponan.

Matapos ang laning phase, nagsimula nang umariba ang T1 sa pangunguna ng Visage ni captain-offlaner Carlo “Kuku” Palad at Ember Spirit ni Karl habang ang matabang Terrorblade ni Kim “Gabbi” Santos ang tumunaw sa mga hero ng NGX SEA sa mga clash.

Naglista si Gabbi ng 12 kills at 2 assists kontra 1 death samantalang si Kuku naman ay kumuha ng 4 kills at 11 assists kontra 1 death sa 21-9 victory sa loob ng 33 minuto.

Screenshot ni Jeremiah Sevilla/ONE Esports

Pinagpatuloy ng T1 ang kanilang naglalagablab na momentum sa Game 2 at dinikta ang tempo mula sa simula hanggang dulo.

Sa mga huling sandali ng laro, isa-isang pinaghahampas ng Tiny ni Karl ang NGX SEA at ipinukol ang apat na rampage bago tuluyang magsara ang 37-7 panglalampaso na tumagal lang ng 28 minuto.



Kumana si Karl ng 15-1-7 kill-death-assist at 23.8K hero damage habang si Gabbi naman sa kanyang Monkey King ay tumikada rin ng 15 kills kasama ang 15 assists kontra 1 death.

Maigi rin silang nasuportahan nila Kuku (Visage) at Indonesian support duo Kenny “Xepher” Deo (Treant Protector) at Matthew “Whitemon” Filemon (Bane). Nagtala sila Xepher at Whitemon ng 24 at 23 assists habang si Kuku naman ay nagbigay ng 16 assists.


Standings sa DPC SEA Tour 3 Division 1

Credit: Beyond The Summit

Umangat ang T1 sa 1-1 win-loss series record at tumabla sa Team SMG sa No. 5 spot habang ang Nigma Galaxy SEA ay nanatli sa No. 7 na may 1-3 kartada.

Ang top three teams sa pagtatapos ng anim na linggong bakbakan sa DPC SEA Tour 3 Division 1 ay makakapasok sa PGL Arlington Major na nakatakdang ganapin mula ika-4 hanggang ika-14 ng Agosto sa Texas, USA.

Para sa Dota 2 news, guides at highlights, maaari niyong i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.