Mas malaki at mas kaabang-abang ang Dota 2 The International ngayong taon dahil 20 koponan ang magsasagupaan sa TI11.
Ito ang ipinahayag ng Valve nitong Sabado kasabay ng anunsyo ng pagsasagawa ng Dota Pro Circuit (DPC) Regional Finals bilang pamalit sa nakanselang Winter Major matapos makatanggap ng matinding backlash mula sa pro players at community sa kabuuan.
Panibagong format ang gagamitin sa TI11

Dahil sa karagdagang DPC points na ilalaan sa Regional Finals, napagdesisyunan ng Valve na magpatupad ng ilang pagbabago sa TI11 Qualifiers.
Katulad sa mga nakaraang edisyon, ang mga mananalong koponan sa bawat regional qualifier ay makakapasok sa Dota 2 world championship, na huling pinagharian ng Team Spirit noong Oktubre ng nakaraang taon.
Ang kinaganda naman ngayon, ang mga second at third place teams mula sa bawat qualifier ay magbabakbakan sa isang LAN event bago ang TI. Ang top two squads mula sa 12 koponan sa tila “wildcard stage” ay uusad sa TI11.
At dahil mas maraming koponan ang magka-qualify sa world championship ngayong taon, magkakaroon ng sumatotal na 20 teams sa TI11 at siguradong mas maraming maiinit na aksyon ang masasaksihan.
Hahatiin ang 20 koponan sa dalawang grupo na tig-10 kung saan ang bottom two sa bawat grupo ay matatanggal habang ang top eight ay aabante sa Main Event.
Nilinaw ng Valve na ang mga pagbabagong ito ay ipapatupad lang muna ngayong DPC 2021-2022 season at isasagawa para magkaroon ng balanse sa qualification process na pwedeng maapektuhan ng potential DPC point discrepancy dahil sa kanselasyon ng Winter Major.
Bagong patch ilalabas pagkatapos ng Regional Finals

Ipinaalam din ng Valve na ire-release nila ang Dota 2 patch 7.31 sa pagtatapos ng Regional Finals na gaganapin sa susunod na buwan.
Huling naglabas ang Valve ng major patch (7.30) noong ika-17 ng Agosto noong nakaraang taon at apat na mini-patches ang ni-release mula nito (7.30b hanggang 7.30e).
Idinagdag din ng game developer na iaanunsyo nila ang mga detalye patungkol sa ikalawa at ikatlong Major sa mga susunod na linggo.
Maaari niyong basahin ang buong statement ng Valve dito.
Sundan ang ONE Esports Philippines sa Facebook para sa mga balita at guides patungkol sa Dota 2.