Maagang natuldukan ang kampanya ng Evil Geniuses sa ESL One Stockholm Major 2022 matapos nilang magtala ng pinakamababang record sa kanilang grupo.

Tiyak na hindi ito ang inasahang resulta ng koponan, maging ng kanilang fans, lalo na’t sila ang nangibabaw sa ikalawang Tour ng Dota Pro Circuit 2022 North America Division 1.

Sa 12 mapa na kanilang nilaro sa nasabing turneo, dalawa lang ang naipanalo ng Evil Geniuses. Mula pa ito sa mga tabla kontra beastcoast at BOOM Esports, na parehong pasok sa lower bracket ng playoffs.



Samantala, bigo naman silang mapuntusan ang BetBoom Team, OG, T1, at Tundra Esports. Natapos ang kampanya ng Evil Geniuses na walang panalo, dalawang tabla, at apat na talo sa group stage.

JerAx: ‘Parte ng landas papuntang The International ang kampanya ng Evil Geniuses sa Stockholm Major’

Kampanya ng Evil Geniuses sa Stockholm Major 2022, natapos sa group stage
Credit: Valve

Bagamat bigong makapasok sa playoffs ng turneo, ibinahagi ni Jesse “JerAx” Vainikka, ang kapitan ng Evil Geniuses, na masaya siyang nakalaro niya ang mga koponan mula sa ibang rehiyon.

“I feel like the fact that we get to go on international stages and playing with other regions is definitely refreshing… I’m happy to be here, and I’m happy to get to play these games,” kwento ni JerAx.

(Para sa akin, magandang bagay na nakatapak kami sa international stages at nakalaro ang ibang mga rehiyon. Masaya ako na narito ako at masaya ako na nalaro ko ang mga labang ito.)

Itinuturing din daw niya na parte ng mahabaang paglalakbay papuntang The International, ang taunang Dota 2 world championship, ang naging kampanya ng Evil Geniuses sa Stockholm Major. Ito ay kahit hindi naging madali ang pinagdaanan nila, maging bago pa magsimula ang DPC.

Isa sa mga pagsubok na ibinahagi ng beteranong kapitan ang pagiging ‘international’ ng kanilang roster. Binubuo kasi ng mga taga-Canada, Pilipinas, Russia, Denmark, at Sweden ang kanilang koponan.



“What hurts me the most about this season is… some of the players hadn’t had a rest. They couldn’t come to their home countries during the times that we are supposed to have breaks,” paliwanag niya.

(Ang pinakamasakit para sa akin ngayong season ay hindi nakapagpahinga ang ibang players namin. Hindi sila maka-uwi sa bansa nila noong mga panahong dapat kaming magpahinga.)


Dahil sa 13th place natapos ang kampanya ng Evil Geniuses sa unang Major ng DPC 2022, walang mauuwing premyo o DPC point ang koponan.

Malaki rin ang tsansa na bumaba ang DPC ranking nila mula sa ika-anim na puwesto, lalo na’t nasa turneo pa ang ilang mga koponang pinangingibabawan nila, gaya ng BOOM Esports, beastcoast, Team Liquid, Fnatic, at OG.

Samantala, nakatakda namang ganapin ang playoffs ng ESL One Stockholm Major 2022 simula ika-16 hanggang ika-22 ng Mayo.

Masusubaybayan ang mga laban sa opisyal na Twitch channel ng ESL One.


Para sa karagdagang balita, guides, at features tungkol sa Dota 2, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines sa Facebook.

BASAHIN: Stockholm Major 2022: Resulta at standings sa group stage