Masusubaybayan natin ang The International 10 sa ating sariling linggwahe nang walang delay dahil ihahatid ito ng LuponWXC, ang opisyal na Filipino broadcast ng pinakamalaking Dota 2 tournament ngayong taon.

Nakatakdang ganapin ang TI10, kung saan nakataya ang pinakamalaking prize pool sa kasaysayan ng esports na aabot sa mahigit $40 million o P2 billion, sa ika-7 hanggang ika-17 ng Oktubre sa Bucharest, Romania.

Sa isang panayam kasama ang ONE Esports Philippines, ibinihagi ni LuponWXC owner at co-founder Nico Kenji “Kuya Nic” Nazario ang kanilang tuwa nang maselyo ang oportunidad na maihatid sa Filipino Dota 2 fans ang mga aksyon sa pinaka-inaabangang kompetisyon ng taon, na napurnada noong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.

“We are beyond excited for this, given from the start that our motto from Lupon is always to give the best possible experience to our community. It is also crucial given the experience before with not being the official broadcast, sobrang laking delay gap from the community streamer which heavily affected ‘yung viewing experience,” ani ni Kuya Nic.

“Believe it or not we’ve been trying to secure this for 2-3 months before TI. Last minute siya bali na-approve as to why masayang-masaya lahat nung nakuha natin ‘yung rights.”

Dagdag pa ni Kuya Nic, talagang kapana-panabik ang paparating na TI dahil may mga Pinoy pro player na naman tayong masusuportahan at ngayon ay hindi na masyadong kailangang magpuyat dahil mas maiksi na ang time zone gap kumpara sa dati na sa USA ginaganap ang torneo.


Para kay Kuya D

Kuya D
Credit: Dunoo

Sa pamamagitan ng kanilang broadcast, magbibigay-pugay si Kuya Nic at ang LuponWXC sa kanilang yumaong kasamahan at isa sa mukha ng Filipino Dota 2 shoutcasting na si Aldrin “Dunoo” Pangan na kilala rin sa pangalang Kuya D.

“We are your Official Filipino Broadcast for The International 10! Handa na kami para magbigay sa inyo ng isang matinding TI experience! I-ready ang pagkain, i-adjust ang body clock, i-handa ang pamusta. Malapit na bakbakan! Para sayo ‘to Dunoo!” saad ng esports media company sa kanilang anunsyo.

Ito ang unang pagkakataon sa ilang taon na hindi maririnig ang bibong boses at matatalim na linyahan ni Kuya D sa TI.

Si Kuya D ang kalahati ng “The Most Explosive Casting Tandem” kasama si Marlon “Lon” Marcelo na nagsilbing mga boses sa likod ng sikat na chat wheel line na “Lakad Matatag! Normalin, Normalin.”

“Kuya D is the best caster in Philippine Dota. Mararamdaman mo ‘yung cast niya ‘pag siya ‘yung nakasalang which is the very essence of being a commentator/caster. Huge loss for the community and sa Lupon since we are looking forward to our first TI together under the Lupon banner pero more than that we lost a great friend, not just to a selected few but to almost everyone,” wika ni Kuya Nic.

“Up till now hindi pa rin nag si-sink in personally for me that I won’t be seeing him around sa HQ, pero with that being said we all know naman na he’s now in peace and with our Lord, and for sure looking forward din siya for us to enjoy and give our best for this upcoming TI.”


Talent lineup ng LuponWXC para sa TI10

Credit: KuyaNic FB page

Panoorin ang opisyal na Filipino broadcast ng TI10 sa LuponWXC

Ihahatid ng LuponWXC ang mga aksyon sa The International 10 sa kanilang opisyal na broadcast channels:

Hinimok ni Kuya Nic ang Filipino Dota 2 fans na panoorin ang TI gawa nang hindi ito natuloy noong nakaraang taon dahil sa pandemic.

“To our Filipino Dota fans, this is our TIME! Hindi natin na-experience ‘to last year as to why we need to double ‘yung excitement for this year’s TI. Let’s show everyone why we love this game and experience the magic of The International once again!”