Pinangalanan ni Zhang “Faith_bian” Ruida ang koponang nais niyang makalaban sa gumugulong na Dota Pro Circuit China 2021/22 Tour 1: Division I at ito ay ang Royal Never Give Up.

Sa isang panayam matapos ang kanilang tagumpay kontra Team Aster sa unang araw ng DPC CN, mabilis na sinagot ni Faith_bian ang tanong kung alin sa mga koponang kalahok sa patimpalak ang pinaka-inaabangan niyang makaharap.

“RNG because during our scrim, we figured that they are the best team,” sambit ni Faith_bian.

(RNG dahil sa mga scrim namin, napag-alaman namin na sila ang pinakamagaling na koponan.)

Matatandaang sa RNG lumipat si Somnus丶M matapos ang ‘di kagandahang kampanya ng Elephant noong nakaraang competitive season. Kasama niya sa koponan ang dating niyang kakampi sa PSG.LGD na sina Yang “Chalice” Shenyi at Yap “xNova” Jian Wei.

Samantala, wala namang binago ang PSG.LGD sa kanilang roster papasok sa bagong season ng DPC.

Ang standings ng PSG.LGD at RNG matapos ang Week 1 ng DPC CN

Markado ang RNG kay Faith_bian ng PSG.LGD sa DPC CN
Credit: Valve

Patuloy ang pangingibabaw nina Faith_bian sa kasalakuyang season ng DPC. Sa pitong mapang nilaro nila mula sa tatlong serye kontra Team Aster, Phoenix Gaming, at Vici Gaming, isang mapa lang ang kanilang nailaglag.

Sa series win-loss record na 3-0, sila ang nangunguna ngayon sa standings ng nasabing rehiyon, kasunod ng EHOME na may 2-0 record matapos talunin ang Phoenix Gaming at Invictus Gaming.

Samantala, naka-upo naman sa ikatlong puwesto ang RNG, katabla ang Team Aster at LBZS, na may score na 1-1. Nakuha ng RNG ang unang panalo nila kontra Invictus Gaming salamat na rin sa clutch, low-hp, Rampage ng Lina ni Somnus丶M na nagdikta ng kanilang pagkapanalo. 

Sinubukan RNG na ituloy ang kanilang tagumpay mula dito ngunit kinapos ang mga ito kontra LBZS sa iskor na 1-2.


Maghaharap ang PSG.LGD at RNG sa ika-16 ng Enero, ang huling laban sa ikalawang linggo ng DPC CN at ito ay masusubaybayan sa opisyal na Twitch channel ng Perfect World.

Para sa karagdagang balita sa DPC, i-like at i-follow ang ONE Esports Philippines Facebook page.